Pormal nang nilagdaan ni San Juan Mayor JV Ejercito at ng Pangulo ng Polytechnic University of the Philippines, Dr. Dante Guevarra ang Memorandum of Agreement para sa pagkakaisa at pagkakasundo ng P.U.P. at ng Pamahalaang Lokal ng San Juan upang maitatag ang PUP-San Juan Annex noong Pebrero 20, 2008 sa Ninoy Aquino Learning Resource Center ng P.U.P. Main Campus sa Sta. Mesa, Manila.
Dinaluhan ng mga opisyal ng San Juan at ng Polytechnic University of the Philippines ang okasyon na itinuturing na umpisa ng kasaysayan ng pagsasanib pwersa ng Lokal na Pamahalaan ng San Juan at ng unibersidad upang itaguyod ang epektibo, de kalidad ngunit abot-kayang edukasyon para sa mga mamamayan ng Lungsod ng San Juan.
“Labis po naming ikinalulugod na ang Lungsod ng San Juan po ay amin nang kaisa sa hangaring makapagbigay ng mataas na antas at kalidad ng edukasyon para sa mga kabataan,” ayon kay Dr. Dante Guevarra.
“Ang buong unibersidad po ay nagpapasalamat sa pamunuan ng San Juan dahil po sa pagbibigay ng tiwala at pagkakataon sa PUP, ganoon din po ang aming pasasalamat sa butihing ama ni Mayor JV, na si dating Pangulong Joseph Estrada na siyang nagbigay ng pondo upang maitayo ang ICT Center ng unibersidad,” dagdag pa ni Dr. Guevarra.
Ang Information Communications Technology Center ay itinatag sa pamamagitan ng tulong ng Pangulong Joseph Estrada na ngayon ay itinuturing na Implementing Program ng IT21 Project ng Pamahalaang Nasyonal.
“Marami pong mga nagdaang Pangulo ng Pilipinas ang nangako sa PUP ngunit si Pangulong Estrada po ang siyang tumugon upang maisakatuparan ang aming ICT Center, na naging income generating project ng unibersidad sa pamamagitan ng mga kontrata nito sa Philhealth at iba pang sangay ng pamahalaan”, ayon kay Dr. Guevarra.
Matatandaan na ang San Juan National High School ay naitatag noong 1969 sa ilalim ng pamunuan ni Pangulong Erap sa San Juan bilang Mayor, at ngayong Hunyo 2008 ay pormal nang bubuksan ang nag-iisa at kauna-unahang State University sa San Juan, ang PUP-San Juan Annex sa ilalim ng pamunuan ng kanyang anak na si Mayor JV sa tulong ng Polytechnic University of the Philippines, isa sa mga pinagpipitagang State U’s sa Pilipinas.
“Ako po ay nagpapasalamat sa lahat ng mga taong tumulong sa pagsasatupad ng proyektong ito, dahil alam ko po na sa pamamagitan nito, maraming mga kabataan na mahihirap sa San Juan ang mabibigyan ng pagkakataong makapagtapos sa kolehiyo mula sa isa sa pinakamahusay na pamantasan ng pamahalaan,” ayon kay Mayor JV matapos lagdaan ang MOA.
“We are serious about establishing a world-class university in San Juan, at katulad din po ng pagkilala sa San Juan bilang isa sa pinakamaunlad na bayan, ang PUP-San Juan Annex po at ang mga mag-aaral nito ang susunod na magbibigay ng karangalan sa aming lungsod” ayon pa kay Mayor JV.
Ang makasaysayang MOA Signing ay dinaluhan din ng iba pang mga opisyal ng San Juan tulad ni Vice Mayor Leonardo Celles at mga Konsehal, ang PUP-SJ Annex Special Committee sa pangunguna ni Konsehal Dante Santiago bilang Chairman, ang Vice Chairman Konsehala Grace Cortes-Pardines at ang mga kasapi nito na sina SJMC Administrator Ada Mauricio, City Legal Officer Atty. Romualdo Delos Santos, City Treasurer Belen Martinez at City Budget Officer Lorenza Ching.
Dinaluhan din ito ng matataas na opisyal ng PUP tulad nina Executive Vice President, Dr. Victoria Naval, Vice President for Academic Affairs, Dr. Samuel Salvador, Vice President for Research and Development, Dr. Pastor Malaborbor, Vice President for Student Services Dr. Juan Brilon, Vice President for Administration, Atty. Augustus Cezar, at iba pa.
Ang PUP-San Juan Annex ay pormal nang magbubukas at tatanggap ng kauna-unahan nitong mga estudyante sa pagsisimula ng pasukan sa Hunyo 2008 para sa iba’t-ibang kursong inisyal na inihandog para sa mga kabataan ng San Juan katulad ng B.S. Accountancy, B.S. Computer Science, Hotel and Restaurant Management at ang Associate in Health Science (Preparatory to Nursing).