by Carvelo L. Malubag
www.balikas.net
LUNGSOD NG BATANGAS- HINDI na makapaghintay ang punong-abala sa pangangalaga ng Lawa ng Taal: nais na niyang ipatupad ang regulasyon ukol sa pangingisda sa lawa.
Habang hinihintay ng mga kasapi ng Protected Area Management Board ang lagda ng Department of Environment and Natural Resources sa Unified Rules and Regulations for Fisheries (URRF), sinabi ng kasalukuyang Protected Area Supervisor ng Lawa ng Taal na panahon na para i-adopt ang URRF.
Iginiit ni Salac sa huling pulong ng PAMB na magiging mas mabilis ang pagpapatupad ng pangangalaga sa lawa kung lalagdaan na ni Kalihim Lito Atienza ang URRF bilang ordinansa sa lahat ng bayan at lungsod na saklaw ng lawa.
Ipinasa ng PAMB ang URRF noong ika–2 ng Marso 2007 at kasalukuyang nakabinbin diumano sa tanggapan ng National Economic and Development Authority (NEDA).
At habang hindi pa napipirmahan ni Atienza ang nasabing ordinansa ay nababahala ang maliliit na mangingisda sa animo’y “lumalalang kalagayan” ng lawa.
Ayon kay Milagros Chavez, pangulo ng Kilusan ng Maliliit na mga Mangingisda sa Lawa ng Taal (KMMLT), “Hindi makagalaw ang mga mangingisda ‘nang hindi napipirmahan ang URRF’ dahil kailangan laging may clearance ng PAMB”.
Isang malaki ring suliraning kinakaharap ng mangingisda ang pagbabalik ng mga fish pens sa Ilog Pansipit nito lamang Hunyo. Saklaw din ng URRF ang mga kalapit na bahaging-tubig tulad ng Ilog Pansipit.
Naniniwala naman si Leo Aranel, municipal fisheries and aquatic resources management council officer ng bayan ng Alitagtag, na ang pirma ni Atienza ang siyang magsisilbing “armas” niya laban sa mga lumalabag sa batas ng lawa.
Polusyon at maramihang pagtatayo ng fish cages at baklad ang ilan sa mga problema na kinakaharap ng Lawa ng Taal at Ilog Pansipit. Dalawang fishkill ang sinapit ng Lawa ng Taal ngayong taon, at anim na linggo lamang ang pagitan ng bawat isa.
Ngunit para kay DENR-CALABARZON Director Eduardo Principe, hindi na kailangan pang hintayin ang pirma ni Atienza sa URRF bago ipatupad ang batas.
“For formality’s sake lang siya,” aniya.
Pati rin ang punongbayan ng Laurel, lugar na pinagsapitan ng dalawang fishkill ngayong taon, suportado ang pagpapatupad ng URRF.
Matagal na rin kasi itong pinag-uusapan, paliwanag ni Alkalde John Benedict Panganiban ng Laurel, na tinatayang may 2,305 ang bilang ng fishcages.
At kapag batas na ang URRF, isosona at lilimitahan na ang pwedeng itayong fishcage sa lawa.
Marso ng taong 2005, sa bisa ng Municipal Ordinance 1 S-03 ng pamahalaang lokal ng Laurel ay binaklas ang tinatayang may 100 baklad sa Brgy. Buso-buso. Ang mga baklad ay pagmamay-ari ng lokal at dayuhang mga mamumuhunan ng Laurel.
Kahit ang bayan ng Laurel ay nasa ikaapat na klase ng munisipalidad ay nakapaglaan sila ng P100,000 para sa pagbabaklas ng iligal na baklad ng panahong iyon.
Ang baklad ay imprastrakturang gawa sa kawayan at lambat. Ito ay ipinagbabawal sa lawa sapagkat kalimitan itong itinatayo sa mababang parte ng katubigan kung saan nangingitlog ang mga isda.
Bagama’t sa ilalim pa rin ng URRF ay bibigyan ng dalawang taong palugit ang mga operator at may-ari ng fishcage na dapat sundin ang URRF.
Noong ika-30 at 31 ng Oktubre, ipinamahagi na ang mga kopya ng URRF na may kalakip na sulat pangsuporta mula kina Salac ng DENR, Arsobispo Ramon Arguelles, at Gobernador Vilma Santos-Recto.
Pero oras na ipapatupad na ang URRF, aminado si Panganiban na may mga maapektuhang maliliit na naghahanapbuhay sa mga fishcage.
Wala aniya siyang maipapangakong alternatibong hanapbuhay sapagkat hindi gaanong malaki ang kinikita ng mga pamahalaang lokal. Sa Laurel, halimbawa, ni isang malaking estabilisemyento aniya ay wala ito.
“Kung nagawa kong ipabaklas sa nasasakupan ko ang mga baklad ay magawa rin sana ito ng ibang bayan,” hamon ni Panganiban.
“Kung OK na ang URRF, dapat lahat ay sumunod dito.”