Editoryal
www.balikas.net
LAGI na lamang nating nakikita sa ating halalan, mapanasyunal man, lokal, maging ng barangay ang tahasang paglabag ng mga kandidato sa mga alituntunin ng Commission on Elections.
Nariyan na ang pamimili ng boto, paglabag sa gun at liquor ban at samu’t-sari pang paglabag sa itinatadhana ng Omnibus Election Code (OEC). Maging ang mga puno at poste ng kuryente ay pinapaskilan ng mga election posters kahit bawal.
Hindi na rin bago para sa mga botante ang isyu ng paghahakot ng kandidato ng flying voters mula sa ibang lugar; ballot-switching, dagdag-bawas, o ‘di kaya nama’y paggamit ng iba’t-ibang uri ng dahas upang matiyak ang pagkapanalo sa halalan.
Sa isinagawang pag-iikot ng Balikas sa mga paaralan sa Lungsod ng Lipa ay kapansin-pansin ang lantarang paglabag ng mga kandidato at mga tagasuporta nito sa tinadhana ng COMELEC.
Sa Padre Valerio Malabanan Elementary School na lamang, pagpasok mo pa lamang dito ay may mga tao nang lalapit sa iyo at mamimigay ng flyers at leaflets at upang hikayating iboto mo ang kanilang kandidato.
Katwiran ng mga namimigay: “Hindi naman bawal dahil ginagawa rin naman ng iba. Ganito naman lagi dito.”
Sinumang magmamasid ay hindi rin aakalaing paaralan pa ang kanyang papasukang polling precinct. Sapagkat ang entrance gate nito ay napuno na ng banners at streamers ng mga kandidato sa Brgy. 1 at 2.
At dahil sa dami na rin ng namimigay at sa dami ng mga botanteng pumapasok dito ay nangagkalat na ang mga ipinamigay na mga polyeto ng kandidato sa mga sahig ng paaralan.
At itong lahat ay nangyayari sa isang paaralang nakapuwesto katabi lamang ng opisina ng Department of Education at ilang metro lamang ang layo mula sa Lipa City Police Station.
Ganito rin ang sitwasyon sa G. B. Lontok Elementary School sa Brgy. Sabang at Tambo Elementary School sa Brgy. Tambo kung saan lantaran din ang pamimigay ng mga polyeto sa loob ng presinto.
Bakit kaya hindi sinasaway o pinapalayo ng mga pulis ang nangangampanya sa araw mismo ng halalan? Bakit kaya hindi rin sila sinasaway ng mga guro at prinsipal ng paaralan o ‘di kaya’y ng DepEd? Bakit walang sumasamsam sa kanilang mga kagamitang pangampanya?
Ang masaklap ay mga bata pa ang karamihan sa mga namimigay ng mga polyeto at sa murang edad pa lamang ay namulat na kaagad sila sa maling gawain ng matatanda.
Sabihin na nating kulang sa tauhan ang COMELEC at ang Lipa City Police (o ano pa mang sangay ng COMELEC sa Batangas) ngunit hindi sapat na dahilan ito para ipagwalambahala na lamang nila ang tungkuling iniatang sa kanila bilang tagapagpatupad ng batas.
Bawal man, kung kinukunsinte ay matutuloy at matutuloy pa rin ang mga gawaing ito.
Katatapos lang ng halalang pambarangay, na sinabing mapayapa sa pambasang pangkalahatan. Hindi naman siguro maiiwasan ang mga ganitong pangyayari sa halalan ng isang mahirap na bansa. Ngunit tanda pa rin ang mga insidenteng ito na marami pang kailangang bunuin ang sistemang panghalalan natin.
At ang mga insidenteng ito ay sa lebel pa lamang ng barangay (ang pinakamaliit na sangay ng pamahalaan). Susunod sa kalendaryo ang 2010 Pambasang Halalan, at huwag nang magulat ang mga tao kung ang mga ganitong kuwento ay magmumula sa barangay mismo.