by Marlon Alexander S. Luistro
www.balikas.net
LUNGSOD NG BATANGAS–ANG bilang ng tao ang hadlang upang maging ganap na lungsod ang tinaguriang kabisera ng turismo ng Batangas: ang Nasugbu.
Pero kung tatanungin si Punong-Bayan Antonio Barcelon, pasok ang kanyang bayan sa itinatakda ng pambasang batas sa pagiging lungsod ng isang bayan batay sa lawak ng lupain at taunang kita.
Nais ni Barcelon na ang Nasugbu, klasipikadong isang first-class municipality, ay maging lungsod sa susunod na taon “Para mas mapapabilis ang kaunlaran nito at darami ang magdadagsaang mga lokal at dayuhang mamumuhunan.”
Mas mapapabuti rin ang paghahatid ng pamahalaang lokal ng mga pangunahing pangangailangan sa mamamayan tulad ng edukasyon, kalusugan, at daan, paliwanag ni Barcelon sa Balikas.
Para maging isang lungsod ang isang bayan, itinatadhana ng 1991 Local Government Code na nakamit ng isang bayan ang mga sumusunod na kwalipikasyon:
- Ang lawak ng nasasakupan (land area) ay 100 square kilometers;
- Ang average annual income o taunang kita ay higit sa P20 milyon; at
- Ang bilang ng tao o populasyon ay aabot sa 150,000 katao.
Pasok sa kita, lawak ng lupa
SA kita pa lang, pasok na pasok ang Nasugbu, paliwanag ni Barcelon sa isang pagdinig ng Committee on Laws ng Sangguniang Panlalawigan kamakailan.
Salaysay ni Barcelon, ang taunang kita ng kanyang bayan ay P40 milyon. Kung titingnan naman ang bagong-labas na ulat ng Commission on Audit ukol sa pinansyal na kalagayan ng mga lokal na pamahalaan noong 2006, kumita ang Nasugbu ng P38.395 milyon.
Yung P40 milyong kita (mula sa real property taxes) ay mapupunta na sa munisipyo sa halip na sa probinsya, ani Barcelon.
Pero kung maging lungsod ang Nasugbu, mawawala ang nasabing real property taxes na mapupunta sa probinsya.
Sinabi ni Assistant Provincial Treasurer Zosimo Dimaandal na ang lalawigan ay kumikita ng P41 milyon, sa real property taxes pa lamang noong 2005. Noong nakaraang taon, ang kita ng lalawigan ay P43 milyon. Hindi pa rito kasama ang kita mula sa mga lokal na buwis ng nasabing bayan.
Ngunit ayon kay Dimaandal, kung magiging ganap na lungsod ang Nasugbu ay nasa P40 milyong taunang kita ang mawawala sa lalawigan ng Batangas.
Kung sa lawak ng Nasugbu, na may 270 sq. km (o 27,000 ektarya), pasok uli sila.
Pero dahil nasa 130,000 katao lamang ang populasyon ng bayan, aminado si Barcelon na hindi ito kwalipikado sa rekisitong 150,000 populasyon sa mga lungsod.
Paggigiit: ‘Alinman sa mga sumusunod’
PERO igigiit ni Barcelon ang probisyong “either of the following requisites” na nakasaad sa Local Government Code para kahit hindi aabot sa bilang ng tao, pasok ang Nasugbu sa ibang rekisitos ng batas.
Ayon naman kay Bokal Florencio de Loyola, ministerial lamang ang tungkulin ng probinsya sa aplikasyon ng Nasugbu para maging lungsod. Ie-endorso rin ng SP ang Resolusyon 120 para maging lungsod ang Nasugbu kung maisusumite ng bayan ang mga kaukulang papeles.
Ang tinutukoy ni de Loyola ay ang mga sertipikasyon mula sa Department of Finance, Land Management Bureau, Department of Environment and Natural Resources, at National Statistics Office para sa average annual income, land territory, at populasyon ng Nasugbu, ayon sa pagkakasunod.
Gusto nang paabutin ni Barcelon ang pagpapa-labas ng resolusyon sa Nobyembre para mai-endorso rin ito ni Congresswoman Eileen Ermita–Buhain.
Kailangan ng pagsang-ayon ng Kongreso ng Pilipinas upang ang isang bayan ay maging lungsod.
Nilagdaan ni Barcelon ang nasabing resolusyon noong ika-21 ng Hunyo 2006 ngunit dahil sa away-pulitika nina dating Gobernador Armando Sanchez at dating Bise Gobernador Richard Recto, nahati ang SP sa dalawang grupo at nadamay ang pag-usad ng nasabing resolusyon.
Pero sa pag-upo ni Gobernador Vilma Santos–Recto noong ika-1 ng Hulyo, umusad uli ang resolusyon para sa Nasugbu.
Sa panayam ng Balikas, inihayag ni Barcelon na mayroong P84 milyong share ang Nasugbu mula sa internal revenue allotment ng pambansang pamahalaan.
Higit na pangangailangan aniya ng kanyang bayan ang farm-to-market roads na inaasahang makaaakit ng maraming mamumuhunan at turistang magtungo rito.
Nangangarap si Barcelon na magiging agro-industrial at ecotourism destination ang Nasugbu sa pagdating ng panahon nang “hindi nasasakripisyo ang kalikasan.”
Ang Nasugbu, na matatagpuan 102 kilometro mula sa timog kanluran ng Maynila, ay isang kilalang destinasyon ng mga turista para sa bakasyon at getaways lalo na tuwing buwan ng tag-init.
Ang mapuputing mga buhangin ng bayan at berdeng mga kagubatan ay nakaenganyo sa ilang mga real estate developers gaya ng ShoeMart Investments Corporation na mamuhunan at magtayo ng 5,900-ektaryang resort na pinangalanang Hamilo Coast.
Kung magiging lungsod ang Nasugbu, ito’y magiging ikaapat na lungsod sa lalawigan ng Batangas kasunod ng Lipa, Batangas at Tanauan—at siyang una sa unang distrito ng lalawigan.