ni MARLON ALEXANDER S. LUISTRO
www.balikas.net
SAN NICOLAS, Batangas – ANG dating nabakanteng ilog limang taon na ang nakakaraan ay puno na uli. Matapos baklasin ang fishpens at iba pang istraktura noong 2001, heto’t nagsibalikan sila sa Ilog Pansipit dito, at kahit mga lokal na opisyal ay hirap na pigilan ang kanilang muling pagbabalik sa ilog.
Magkabilang gilid sa Ilog Pansipit ay may fishpen at salambaw (isang istrakturang panghuli ng isda). At dahil dito, magkabila rin ang pagtuturo ng pananagutan kung bakit matapos ang baklasan nong 2001 ay nagsibalik ang sinabing ipinagbabawal na mga istrakturang ito.
“Matagal nang bakante iyung ilog eh, wala naman kaming negosyo,” wika ng isang 18-anyos na operator mula sa San Nicolas na umaming nagtayo ng fishpens sa Ilog Pansipit. “Nangako silang bibigyan kami ng hanapbuhay pero ‘di naman natuloy.”
Kaya’t napakinabangan niya ang Ilog Pansipit, at malaking bagay ang P15,000 kita sa loob ng apat na buwan mula sa pagiging fishpen operator.
Kahit si Kapitan Pablo Inumerable ng Barangay Pansipit, na alam na bawal ang mga istrakturang ito ng lokal na batas, hinayaan niyang bumalik ang fishpens sa ilog. Ang Pansipit ay daanan ng migratory fishes tulad ng maliputo na mula sa Look ng Balayan ay pumupunta sa Lawa ng Taal upang mangitlog.
Bakante kasi ang ilog, aniya.
At dahil bakante siya, “hindi natin makontrol ang tao” na magsitayo ng fishpen at salambaw, dagdag ni Inumerable.
Lagusan
KAISA-ISANG lagusan ng Taal Lake patungong Balayan Bay ang Ilog Pansipit, wika ni Engr. Evelyn Estigoy, provincial environment and natural resources officer.
Kaya’t hindi ito dapat maging barado; kung hindi, “maaaring magkaroon ng pagbaha,” babala ni Estigoy.
Ipinagbabawal sa ilog ang pagtatayo ng anumang istraktura sapagkat ito ay nakasasagabal sa mga isda na lumalabas at pumapasok mula sa Lawa ng Taal patungong Look ng Balayan.
Mataas rin ang antas ng putik sa Ilog Pansipit kaya’t ilang beses nang nagsagawa ang pamahalaang lalawigan ng paghuhukay sa ilog, dagdag ni Estigoy.
Sa bisa ng Executive Order 296 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel Ramos ay binaklas ang mga istruktura katulad ng fishpens at baklad sa Ilog Pansipit at Lawa ng Taal noong 1996.
Naalala pa ni Estigoy na noong 2001, katulong ang iba pang ahensiya ng pamahalaan, mangingisda, at kapulisan, nagbaklas sila ng may 623 fishpens sa Ilog Pansipit.
Wala kasi silang permiso ang mga may-ari nito, maliban sa ipinagbabawal sila ng Philippine Fisheries Code sapagkat nakasasagabal ang mga istrakturang ito sa pag-agos ng tubig sa lugar, paliwanag ni Estigoy.
Katulad ng Lawa ng Taal, isa ring pinapangalagaang pook o protected area ang Ilog Pansipit. Ang Protected Areas Management Board (PAMB) na pinamumunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang siyang naatasang mamahala sa Lawa ng Taal at sa Ilog Pansipit.
Litaw
SA isinagawang pagbisita ng Balikas sa ilog noong ika-11 ng Oktubre, kapansin-pansing napuno na ng fishpens at salambaw ang magkabilang kanto ng Pansipit.
Naabutan din ng Balikas noong araw na iyon ang ilang mga taong nagagawa ng salambaw. Wala namang sumasaway sa kanila.
Ang salambaw ay isang uri ng istraktura na gumagamit ng lambat pantaas na kwadrado parihabang ang itsura, at nakakapit ito sa apat na kawayan. Hinuhuli ng salambaw ang mga pumapasok at lumalabas na isdang dumaraan rito.
Nang tanungin kung nakasisira ba ang paglalagay ng fishpens sa ilog, wika ng isang caretaker na ayaw magpakilala: “Hindi. Nakakapagbigay siya (fishpen) ng hanapbuhay.”
Pero kapag sinabihan na umalis na sa Ilog, “aalis na lang kami,” dagdag ng isa pang fishpen caretaker. Lumabas sa Biodiversity Monitoring System ng grupong Pusod (ang taga-paglathala ng Balikas), mayroon nang 120 fishpens sa dalawang kilometrong bahagi ng Ilog Pansipit – partikular sa bayan na ito at sa Agoncillo.
Sa naunang panayam ng Balikas ay inihayag ni Alkalde Epifanio Sandoval ang intensyon nitong ibalik ang baklad at palaisdaan sa Ilog Pansipit.
Hamon ang kaganapang ito patungkol sa Ilog Pansipit para sa PAMB, na sa tingin ng ilang kapitan ng barangay, mahihirapan ang grupo na ipatupad ang mga patakaran sa tamang pangingisda sa Pansipit, at sa Lawa ng Taal (tingnan ang katabing ulat sa pahinang ito).
Batikusan
DAHIL sa pagdami ng fishpens sa Pansipit, nabatikos si Sandoval ng isang grupo ng maliliit na mga mangingisda sa aniya’y panghihikayat sa mga mamumuhunang magtayo ng fish-cages at iba pang istruktura.
“Huwag na nating isipin iyung nagastos sa baklasan, kundi iyung hirap ng mga mangingisda,” wika ni Milagros Chavez, pangulo ng Kilusan ng Maliliit na mga Mangingisda sa Lawa ng Taal (KMMLT).
Si Chavez, na kasama sa mga nagbaklas ng baklad sa Pansipit noong 2001, ay naniniwala na ang may higit na problema ay ang mga pamahalaang bayan na aniya’y bigong mapigilan ang mga taong naglalagay ng fishpens sa ilog, at maging sa Lawa ng Taal.
Para naman kay Leo Aranel ng Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council sa bayan ng Alitagtag, “Pag kinukunsinte (ang tao), kahit ano pang bawal ay gagawin.”
Bagaman ang mga pamahalaang bayan ang nag-iisyu ng permiso sa mga fishcages, naniniwala ang KMMLT na may pagkukulang din ang DENR bilang hepe ng PAMB para mapigilan ang pagbalik ng fishpens sa Ilog Pansipit.
Hindi dahilan ang kawalan ng pondo at tauhan para kay Aranel, kasi puwede ipasa ng PAMB sa munisipyo ang trabahong pigilan ang fishcages.
Matapos nito’y ipapasa ng munisipyo sa MFARMC ang gawain. “(Tila) ayaw lang nilang (DENR) tanggapin ang kanilang responsibilidad.”