by Carvelo L. Malubag
www.balikas.net
LUNGSOD NG BATANGAS — PANGANGALAGA sa likas-yaman at kaligtasan sa isang banda, at posibleng oportunidad para sa turismo at kabuhayan.
Lilitaw uli ang debateng ito patungkol sa posibleng pagpunta muli ng mga mamumuhunan sa Bulkan ng Taal matapos ang magkaibang opinyon nina Gobernador Vilma Santos- Recto at ilang mga kasapi ng Protected Area Management Board (PAMB).
Ipinahayag kasi ng ilang kasapi ng PAMB, tulad ni DENR Region 4-A Director Eduardo Principe na hindi pa tuluyang isinarado ang pinto ng Bulkang Taal para sa mga mamumuhunan.
Pero kung si Santos-Recto ang tatanungin pangangalagaan ng kanyang administrasyon ang likas na yaman ng Batangas at susuportahan ang mga paglalagay ng puhunan kung “ang kaligtasan ng ating karagatan, at pinagkukunan ng kita ng mga (Batangueño) ay hindi makokompromiso”.
Kabilang ang kalikasan sa programang HEARTS ni Santos-Recto na kanyang inanunsyo nuong siya’y nagbigay ng State of the Province Address (SOPA) nitong ika-8 ng Oktubre sa kapitolyo.
Ang ibig sabihin ng HEARTS, sa wikang Ingles, ay health, environment, agriculture, roads, tourism, at security.
Matatandaang noong unang araw ni Santos-Recto bilang gobernador ng lalawigan, una niyang binigyang pansin ang pinaplanong proyekto na wellness spa ng kumpang Jung Ang Interventure Corp.
Ang Koreanong mga nagmamay-ari ng Jung Ang ay nagbabalak na magtayo ng isang wellness spa na magiging isang permanent structure sa isla ng Bulkang Taal. Pero umani ito ng batikos sa mga residente at sa ilang sektor sa lalawigan noong nakaraang Hunyo.
Kinalaunan, noong mga huling araw ni Angelo Reyes bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources, kinansela niya ang environmental compliance certificate ng Jung Ang at hindi na itinuloy ang proyekto.
Pero ilang buwan makalipas ang isyung wellness spa, sinabi ni Principe sa pulong ng PAMB nitong ika-4 ng Oktubre na posible pa ring may mamumuhunan ng proyekto sa Bulkang Taal.
Dagdag pa ni Principe, hindi pa isinasara ni Lito Atienza, bagong kalihim ng DENR, ang nais magtayo ng negosyo sa bulkan “basta dumaan lang sa tamang proseso” ang panukalang proyekto, at hindi ito nakakasira sa natural na anyo ng Bulkan.
Hindi maitago ni Punungbayan Florencio Manimtim ng bayan ng Talisay ang kaniyang pagsang-ayon sa pahayag ni Principe. Tanging bulkan lamang ang malakas na pang-akit sa turismo ng Batangas, ayon kay Manimtim.
Umani rin ng batikos si Manimtim noong kasagsagan ng isyung wellness spa sa Bulkang Taal dahil sa kanyang pagsang-ayon sa proyekto.
Matatandaan ring nabigyan ng permiso ang Jung Ang ng PAMB na may mga turistang pupunta sa Bulkang Taal, na idineklarang permanent danger zone. Ang kondisyon ng permisong ito ay ang mga turista ay pipirma ng waiver na ang mga turista mismo ang may responsibilidad sa kanilang kaligtasan sa oras ng paglilikas, at hindi nila maaaring idemanda ang PAMB bunsod nito.
Hindi rin sang-ayon ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa pagtatayo ng anumang permanenteng istraktura sa Bulkang Taal dahil sa ito’y may peligrong dala sa oras ng paglilikas ng may 6,000 residente sa bulkan mismo.
Hanggang ngayon, nanghihinayang pa rin si Manimtim sa naudlot na proyektong spa bunsod ng nawalang posibleng kita para sa Talisay at sa Batangas.
Tinatayang P72 milyon ang puhunan ng Jung Ang para sa proyektong wellness spa.
Maliban kay Manimtim, nagbigay rin ng suporta si Bise Gobernador Mark Leviste sa anumang oportunidad na itatayo sa bulkan.
Sinabi ni Leviste sa huling pulong ng PAMB na maakit pa rin ang bulkan sa turismo, at “kung may naayong plano para rito ay susuportahan ito”.
Nagpaabot din ng hamon si Manimtim sa kapitolyo na pagtulung-tulungan ng buong Batangas ang pag-angat ng turismo gamit ang bulkang Taal kung “talagang seryoso” ang programang pag-angat ng turismo sa lalawigan.
Ang mga pahayag nina Principe, Manimtim, at Leviste ay narinig ng mga representante sa PAMB ng 13 bayan at tatlong lungsod na pumapalibot sa Lawa ng Taal. Samantala, naroroon si Leviste sa SOPA na ipinahayag ni Santos-Recto sa kapitolyo.
Sa nasabing SOPA, sinabi ni Santos-Recto na magtatayo siya ng isang task force na siyang aaksyon sa naisin niyang tingnan ang mga proyektong pangpamuhunan na dapat ay maayon sa kalikasan at kaligtasan.
Patungkol sa likas-yaman ng lalawigan bilang sandigan ng turismo, pinahayag ni Santos-Recto na nais ng kapitolyo na hangad niyang paigtingin ang mga proyektong pang-imprastraktura bilang suporta sa sektor ng turismo sa lalawigan.