by Marlon Alexander S. Luistro
www.balikas.net
LUNGSOD NG BATANGAS- UMAGA’T gabing namamalimos ang 69-anyos na si Trinidad Perez sa Plaza Mabini rito upang makabili ng kaunting pamatid-gutom.
“Minsan natutumba na ako sa gutom,” sambit ng matanda, na bakas sa kanyang mga mukha ang hirap ng buhay na kanyang tiniis mula nang siya’y iniwan at inabandona ng kanyang asawa at apat na anak. Iniinda rin niya ang sakit sa baga.
Sa nalalabing bahagi ng kanyang buhay, ang tanging hiling lamang niya’y mabigyan siya ng pamahalaan ng tulong pinansyal at maipagamot ang sarili sa isang ospital.
Si Aling Trinidad ay isa lamang sa 25 porsyento ng 1,905,348 Batangue-ñong ngayo’y nasasadlak sa kahirapan.
Kahirapan ang isang malaking hamon para sa lalawigan, ayon kay Gobernador Vilma Santos–Recto.
Kaya’t isang solusyon ay ang paghahatid ng mga trabaho sa mga kababayan niya, sabi ni Santos-Recto sa kanyang State of the Province Address (SOPA) noong ika-8 ng Oktubre.
Isandaang araw pa lamang nakaupo si Santos-Recto bilang nahalal na gobernador matapos ang eleksiyon noong Mayo, at tila may temang mala-pelikula pa ang programang pangkaunlaran na inihain ni Santos Recto.
Nasasalamin sa katagang “Hearts,” na natutungkol sa health, education at environment, agriculture, roads, tourism at security, ang layon ni Santos-Recto para sa Batangas.
Sa kanyang talumpati, inihayag ni Recto na ang pangunahing dahilan ng kahirapan sa lalawigan ay ang kawalan ng trabaho.
Isa na rin aniya itong dahilan kung bakit patuloy na tumataya ang mga mamamayan sa huweteng, isang illegal numbers game na napabalitang laganap sa Batangas.
“Kailangan nating makalikha ng paligid na pumapabor sa paglago at pag-unlad ng ekonomiya upang ang mga negosyo at industriya sa ating probinsya ay mamamayagpag,” wika ng gobernador.
Angat na, papaangatin pa
INIUTOS ni Santos-Recto na subukang magkalap ng datos ang Kapitolyo at mga bayan at lungsod patungkol sa lagay ng kahirapan at antas ng buhay sa Batangas.
Magiging tulong ang mga datos na ito, aniya, sa tamang pag-alam kung sino ang mga tutulungan.
Kung pagbabatayan ang datos estadistika sa kahirapan ng National Statistical Coordination Board (NSCB), nakaangat pa rin ng bahagya ang antas ng pamumuhay ng maralita sa Batangas kumpara sa mga karatig lalawigan sa rehiyong Calabarzon.
Lumabas sa nasabing pag-aaral na simula Marso 2007 ay pumapatak sa P18,005 ang taunang kita ng mga maralita sa Batangas, na pangalawang pinakamalaki sa Calabarzon kasunod ang lalawigan ng Cavite na nasa P18,019.
Sa ulat ni Gobernador Vilma, inilahad nitong karamihan sa mga Batangueño ay walang access sa pangunahing serbisyong pangkalusugan ng lalawigan.
Kalusugan
Sa isinagawang poverty diagnosis ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa 14 bayan ng Batangas sa nagdaang dalawang buwan, lumalabas na 27 kababaihan ang namatay dahil sa panganganak, habang 244 batang edad 0-5 pataas ang namatay dahil hindi sila nabigyan ng tamang atensyon.
Upang matugunan ito ay sinabi ni Recto na ia-upgrade niya ang serbisyo ng mga pandistritong ospital sa lalawigan partikular sa mga lungsod ng Tanauan at Lipa, at sa mga bayan ng San Juan, Rosario at San Jose.
Mayroong 12 district hospitals sa Batangas.
Bibigyan niya rin aniya ng health insurance ang higit sa 40,000 maralita upang magkaroon ng access sa dekalidad na serbisyong pangkalu-sugan, isang magandang balita para kay Trinidad Perez na may sakit sa baga pero hindi makapagpagamot sa duktor.
“Sana ay matupad yung sinabi niyang bibigyan kami ng tulong. Bigyan sana nila ako ng perang pambili ng gamot at kahit konting tulong pinansyal,” hiling ng mamamalimos na si Trinidad Perez ng Batangas kay Gobernador Vilma.
Edukasyon
Batay sa poverty diagnosis ng lalawigan ay nasa 18,750 bata edad 6-12 ay hindi pumapasok o nag-aaral sa elementarya, habang 24,821 bata edad 13-16 ang hindi napasok sa hayskul.
Ayon sa NSCB, 76 porsyento lamang ng mag-aaral sa mababang paaralan ang nakatapos ng elementarya habang 65 porsiyento ng mga mag-aaral sa hayskul ang nakatapos sa nasabing antas.
Dahil dito, nais ni Santos-Recto na dagdagan ang bilang ng mobile teachers upang mabigyan ang mga out-of-school na kabataan ng pagkakataong makapag-aral.
Pauunlarin aniya ng pamahalaang lalawigan ang isang paaralan sa kada distrito bilang center of excellence at kung kakayanin aniya ng pondo ay magtatayo ng isang center of excellence na paaralan sa kada munisipyo.
Balak aniyang gawin ng pamahalaang lalawigang pataasin ang kalidad ng pagtuturo sa mga day care centers. Sasanayin aniya ang mga gurong hawakan ang kanilang klase sa estilong Montessori.