by Jeremiah M. Opiniano
www.balikas.net
LUNGSOD NG LIPA—NAGPAKITANG gilas ang bayan ng Sto. Tomas bilang isa sa mga pinakamayamang munisipalidad ng Pilipinas, ayon sa ulat (taong 2006) ng Commission on Audit kamakailan.
Ang Sto. Tomas ang ikalawa sa listahan ng mga munisipalidad na may pinakamataas na pagmamay-ari (assets), na ang kabuuan noong nakaraang taon ay PhP703.65 milyon. Una sa listahan ang bayan ng Biñan sa lalawigan ng Laguna (PhP801.82 milyon) at ikatlo ang bayan ng San Juan sa Kalakhang Maynila (PhP655.71 milyon).
Mayroon ding malakihang halaga ng pera na nasa bangko (substantial amount of cash in bank) ang Sto. Tomas. Una sa listahan dito ang San Juan (PhP526.65 milyon), at pangalawa ang Sto. Tomas (P401.38 milyon).
Ang mga bilang na ito ay ayon sa Consolidated Balance Sheet (hanggang ika-31 ng Disyembre 2006) ng mga lokal na pamahalaan, kung saan ang mga lokal na pamahalaan ay may kabuuang halaga ng pagmamay-ari na PhP427.63 bilyon; kabuuang utang na PhP88.57 bilyon; deferred credits na Php28.78 bilyon; at halaga ng kabuuang natitirang pagmamay-ari (equity) na PhP310.19 bilyon.
Inilabas ng COA noong mga huling araw ng Setyembre sa Philippine Star at sa Philippine Daily Inquirer ang pinansiyal na kalagayan ng mga lokal na pamahalaan (na binubuo ng 77 lalawigan, 115 lungsod, at 1,543 na munisipalidad). Hindi nailabas ng COA ang ulat ng mga lungsod.
Naglabas rin ang COA ng Financial Report ng mga munisipalidad sa lahat ng rehiyon (maliban sa mga lalawigan ng Bohol at Agusan del Norte na hindi nakapagpasa). Batay rin ito sa taong 2006.
Sa mga lalawigan, ikatlo ang Batangas sa may pinakamaraming pagmamay-ari (assets) na ang halaga ay P940.85 milyon. Una sa listahan ang Cebu (P1.541 bilyon) at Zamboanga del Norte (P1.043 bilyon).
Pagdating sa kabuuang pagmamay-ari ng mga lungsod, ang Lungsod ng Batangas ang pinakamayamang lungsod sa labas ng Kalakhang Maynila (P4.730 bilyon). Ika-apat ang Lungsod ng Batangas sa listahan ng kabuuang halaga ng pagmamay-ari, kung saan una ang Lungsod ng Quezon (P11.382 bilyon), Lungsod ng Maynila (P5.326 bilyon), at Lungsod ng Makati (P5.183 bilyon).
Pagdating sa kabuuang halaga ng pananagutan (liabilities), may P612.64 milyon na utang ang Batangas na siyam sa pinakamataas sa listahan na pinangungunahan ng lalawigan ng Nueva Ecija (P1.103 bilyon) at Palawan (P1.012 bilyon).
Ikatlo rin ang Batangas sa may pinakamaraming pera na nasa bangko na may P798.57 milyon. Una rito ang Cebu at ikalawa ang Zamboanga del Norte.
Pagdating sa kabuuang halaga ng natitirang pagmamay-ari (equity), ika siyam ang Batangas sa listahan na may P1.875 bilyon. Una rito ang lalawigan ng Cebu (P10.807 bilyon).
Noong nakaraang taon din, ika-pito ang Batangas sa mga lalawigan na may pinakamaraming kita bago ang kaltas (gross income) na may P1.344 bilyon. Una rito ang Bulacan, Cebu, at Negros Occidental.
Kasama sa kita ng mga lokal na pamahalaan ang pera na mula sa internal revenue allotment (IRA) na mula sa pambansang pamahalaan. Dito ika-pito ang Batangas sa alokasyon mula sa IRA na may P887.67 milyon (Pangasinan ang may pinakamataas na alokasyon para sa mga lalawigan pagdating sa IRA).
Pero wala ang Batangas sa sampung pinakamagastos na lalawigan, at sa sampung pinakamataas na lalawigan pagdating sa natitirang kita (net income). Sa net income, pagdating sa mga munisipalidad, ika-lima sa listahan ang Sto. Tomas na may P97.6 milyon- kaya’t ang Sto. Tomas ang maituturing na pinakamayamang bayan ng Batangas.
Walang inilabas na pinansiyal na ulat para sa mga lungsod ang COA.
Ayon sa 2000 Census, may 80,393 katao ang Sto. Tomas, na ang ikinabubuhay ay agrikutura at kita mula sa mga pasilidad tulad ng First Philippine Industrial Park at ang Light and Industry Science Park.
Mula 2004 hanggang ngayon, si Edna Sanchez ang punongbayan ng Sto. Tomas. Siya ang asawa ng dating gobernador ng Batangas, Armando Sanchez (na natalo kay Vilma Santos-Recto noong nakaraang eleksiyon).
Napabalitang pinaunlad ni Armando Sanchez, dating alkalde ng Sto. Tomas, ang bayan: dati’y fourth-class municipality ito at naging first-class municipality ang Sto. Tomas noong taong 1998.