by Carvelo L. Malubag
www.balikas.net/
SAN NICOLAS—KUNG si Mayor Epifanio Sandoval ang tatanungin, nais niyang ibalik ang baklad at palaisdaan sa Ilog Pansipit.
Ito ay kahit na alam niyang may mga tatanggi sa suhestyon niyang ito.
Ipinaabot ni Sandoval ang mensaheng ito sa mga kinatawan ng mga taga-pamahalaan at ‘di-pampamahalaang organisasyon noong siya’y nakipag-usap sa mga ito noong ika-25 ng Setyembre sa tanggapan.
Ang Ilog Pansipit ay tanging labasan (outlet) at pasukan ng tubig at isda mula sa Lawa ng Taal papunta ng Look ng Balayan.
Katulad ng Lawa ng Taal, ang Ilog Pansipit ay deklarado rin bilang lugar na pinapangalagaan (protected area). Ipinagbabawal sa Ilog Pansipit ang pagtatayo ng anumang istraktura sapagkat ito ay nakakasagabal sa mga isda na lumalabas at pumapasok mula sa Lawa ng Taal patungong Look ng Balayan upang mangitlog.
Sa bisa ng Executive Order 296 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel Ramos ay binaklas ang mga istraktura katulad ng mga baklad at fishcage sa ilog noong 2001.
Ngunit para kay Sandoval, humina ang agos at bumabaw ang tubig ng ilog nang mawala ang mga istraktura. Nawala rin aniya ang halamang balanggot (water lily) na nagsisilbing kanlungan ng mga isda.
Malalim rin aniya ang ilog noong may mga baklad pa ito, ayon kay Sandoval. Pero sagot ni Luvimin Gito, dating Protected Area Superintendent ng Lawa ng Taal, “Natural na lumalalim ang tubig (Pansipit) kapag may baklad kasi pigil ang daloy ng tubig at ito ay naiipon.”
“Milyon ang ginastos diyan sa pagbabaklas kaya dapat panatilihing freeway iyan,” dagdag ni Gito.
Nais ni Sandoval na paunlarin ang bayan ng San Nicolas sa pamamagitan ng pangisdaan at turismo gamit ang Lawa ng Taal dahil sa walang alternatibong pagkakakitaan ang mga residente noong binaklas ang baklad at fishcages.
Ang Ilog Pansipit ay ang tinatawag na umbilical cord (pusod) ng Lawa ng Taal. “Kapag pinutol ito (Ilog Pansipit), wala na,” mariing tutol din ni Maximo Soriano, Provincial Environment and Natural Resources Office-Batangas sa nais mangyari ni Sandoval. “Rehabilitasyon ang kailangang gawin sa Pansipit,” aniya.
Sa pag-uusisa ng Balikas ay sinabi naman ni Valentina Salazar ng Municipal Agriculture Office, may istraktura ang kasalukuyang nakatayo sa Ilog Pansipit na kung tawagin ay breeders. Ang breeders ay mistulang fishcage, dito lang aniya kinukondisyon ang mga malapit nang mangitlog na tilapya o bangus.
Makaraan aniya ng 3–4 na araw ay ibabalik din sa palaisdaan ang breeders. Aminado din si Salazar na hindi mapigilan ang mga tao kahit bawal ang anumang istraktura sa Pansipit.
Wala rin aniyang opisyal na talaan sa kanilang tanggapan kung gaano kadami ang breeders sa ilog.
Aminado rin si Valentina na nakarating na sa publiko ang binabalak ni Sandoval sa ilog. May mga tao na aniyang sumasadya sa kanilang tanggapan upang kumpirmahin ang tinukoy na binabalak na pagtatayo ng baklad sa Pansipit.
“Alam naman nilang matagal nang bawal iyon sa Pansipit kaya madali silang paliwanagan,” wika ni Valentina.
“Masisira ang biodiversity ng Lawa ng Taal kung magtatayo ng baklad sa Pansipit River,” wika ni Leah Villanueva, hepe ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Inland Fisheries Research Station (BFAR-IFRS).
May banta aniya sa pagdami ng mga isda katulad ng maliputo, na baka hindi makalabas upang mangitlog sa dagat o kaya ay hindi na makabalik sa lawa. Tila mahirap na ring pigilan ang pagdami ng baklad kapag may nagpasimunong magtayo nito sa ilog.
Samantala, aminado rin si Gito na may ganoon ngang klaseng istraktura sa Pansipit. Para sa kanya ay ang pagpapatupad ng Unified Rules and Regulations for Fisheries (URRF) ang makakapagpaalis ng istrakturang breeders sa ilog Pansipit.
Matatandaang tinutulan din ni Sandoval ang itatakdang pagbabawas ng fishcages sa kanyang nasasakupan, sa isang pulong na pinasinayaan ng mga grupong Tanggol Kalikasan at Pusod, Inc. (tagapaglathala ng Balikas) nitong Setyembre. Aniya ng alkalde na nasa kaniyang unang termino sa San Nicolas, realignment ng fishcage sa Pulo at hindi pagbabawas ang prayoridad niyang programa sa pulo.
Ang San Nicolas ay isang fifth-class municipality na may kabuuang natitirang kita (net income) na PhP 4.667 milyon noong 2006, ayon sa ulat ng Commission on Audit.