by Francis D. Abes
www.balikas.net
NAUJAN, Oriental Mindoro—NOON ang tulad nila ay ayaw pag-aralin ng kanilang mga magulang sapagkat anila ang may mga “pinag-aralan” ang silang nang-aagaw sa kanilang lupain.
Ngayon, sinisikap nilang makapagtapos sa pag-aral sapagkat anila ito ang pangunahing sandatang makapagtatanggol sa kanila laban sa mga mapagsamantala.
Sa isang pambihirang pagkakataon, nakadaupang palad ng may-akda ang ilang mag-aaral ng Tugdaan High School at ilang katutubong Alangan dito sa Paitan, Naujan, Oriental, Mindoro.
Ang Tugdaan, na ang ibig sabihin ay taniman o punlaan, ay ang malayang lugar kung saan itinatanim at hinahasa ng ating mga kapatid na Mangyan ang kanilang karunungan. Sa pagsapit ng takdang panahon ay aanihin at ibabahagi sa kanilang pamayanan.
Mula sa pangarap ng kanilang mga ninuno at ilang madre, itinayo ang paaralang ito dahil sa kanilang mapait na karanasan lalo na sa pakikipaglaban sa kanilang karapatan sa lupaing ninuno.
Ayon kay Badang, isang katutubong Alangan, naunang nanirahan ang mga Mangyan sa kapatagan ngunit patuloy silang itinaboy hanggang makarating sa kabundukan.
“Ngayon nandito na kami sapilitan pa din kaming inaagawan ng lupa ng mga taong likas na nakakapag-aral,” aniya. “Lagi silang may bitbit na titulo.”
Ayon sa kultura ng mga Mangyan, ang lupain ay isang ancestral domain. Ibig sabihin, ang lupang pinakikinabangan nila ay nagmula pa sa kanila mga ninuno kaya nararapat lamang na sila ang magmay-ari nito.
Kaya’t sa pagsusumikap nina Badang, katulong ang ilang katulad niyang community organizer, iminumulat nila ang kanilang mga ka-tribu, lalong higit ang kanilang mga anak sa kahalagahan ng edukasyon. Kaya’t ang Tugdaan HS ang naging pangunahing daluyan nila upang itaguyod ito.
Bahagi ng curriculum dito ay ang pag-aral at pagsasabuhay ng Indigenous People’s Rights Act o IPRA Law, ayon kay Punungguro Gay Lintawagin, para maging kalasag ito laban “sa mga taong patuloy na nang-aabuso sa amin”.
Ang IPRA Law o Republic Act No. 8371 ay nilagdaan noong Oktubre 29, 1997 ni dating Pangulong Fidel Ramos. Nakasaad dito ang ilang karapatan ng mga katutubo tulad ng Right to Ancestral Domain and Lands, Right to Self-Governance and Empowerment, Social Justice and Human Rights, Right to Cultural Integrity, at iba pang karapatan.
“Alam mo kuya, mas gusto pa naming tawagin kaming Mangyan keysa sa tawagin kaming minorities kasi nandoon pa rin yung diskriminasyon. Naiisantabi ang mga isyu tungkol sa amin,” dagdag pa ni Badang.
Kung malaki ang pagpapahalaga ng mga Mangyan sa edukasyon, gayundin ang pagpapahalaga sa lupain. Ani Edmar Ramo, isang estudyanteng Alangan ng Tugdaan: “Ang lupa para sa amin ay buhay. Sapagkat dito namin naipapahayag ang aming mga damdamin sa kagyat na pag-abot sa aming mga pangarap.”
Sa tanong na kung mas gusto nila manirahan sa bundok o sa kapatagan, mabilis ang naging tugon ng kanyang kaklaseng si Marivic Banlugan. “Aba s’yempre dito pa din sa lupain nagsilang sa amin at nagbigay kamalayan. Ayaw naming iwanan ang lupaing nagturo sa amin ng maraming kaalaman lalong higit sa pagpreserba n gaming kultura.”
Sa loob ng ilang araw na pananatili at pakikipamuhay sa tribong ito ng may-akda, kung saan nakita niya ang pagkapayak ng 3.5 ektaryang paaralang ito, pilit nilang itinatanim sa aking isipan ang dalawang usapin: ang paggalang sa kanilang kultura at ang karapatan sa lupang nagbibigay buhay sa kanila.
Sa piling nila mararamdaman malakas na pagpapairal ng kultura ng pagbabahagihan at ang ugaling pagiging magalang.
“Maalen pag umaga kanyo buo!” (Magandang umaga po sa inyong lahat) ang malimit nilang isalubong sa iyo.
May limang tribo ang nag-aaral sa Tugdaan: Alangan, Buhid, Hanunuo, Tadyawan at Iraya.
Sa adhikaing lalo pang maitaas ang antas ng kaalaman ng mga katutubo at sa pagpapanatili ng kanilang kultura, patuloy silang na humihingi ng suporta sa pagkakroon ng sariling kolehiyo.
“Ang Tugdan ay umaasa lamang sa donasyon ng ilang organisasyon, kaya’t sana po ay patuloy ninyo kaming suportahan sa paghuhubog ng mga katutubong Mangyan na makakatulong sa pagpapaunlad ng ating bayan sa darating na panahon,” pagtatapos ni Lintawagin.