by Marlon Alexander S. Luistro
www.balikas.net
CUENCA- SA bayang itong napaliligiran ng Bundok Maculot at Lawa ng Taal ay maitatayo ang isang community e-center (CEC) na maaaring magamit ng mga mamamayan upang makapag-Internet sa mababang halaga.
Habang naghahanap pa ng angkop na lokasyon ay pansamantala munang nakapuwesto ang CEC sa ikalawang palapag ng munisipyo ng Cuenca, na ngayo’y naglalaman ng apat na computer units na kapwa may mga access sa Internet.
Ang CEC ay programa ng Commission on Information and Communication Technology (CICT) sa ilalim ng tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas, na naglalayong mabigyan ang publiko ng pagkakataon para makagamit ng abot-kayang Internet access, email fax, voice over the iInternet protocol (VOIP), distance learning, at iba pang serbisyong online para sa komunidad.
Ang Cuenca ay isang fourth-class municipality sa ikatlong distrito ng lalawigan ng Batangas, na mayroong populasyong 24,642 sa 21 barangay ayon sa 2000 Census.
Ayon kay Alkalde Celerino Endaya, sinimulan nang gamitin ng mga empleyado ng munisipyo ang e-center noon pang Agosto bilang paraan ng mabilis na pakikipagkomunikasyon sa mga tanggapan ng pambansang pamahalaan.
Ngunit aniya, “Hindi pa kumpleto yung set-up at masyado pang limitado ang kanyang access sa publiko.”
Ani Endaya ay binabalak ng munisipyong ilipat ang e-center mula sa kasalukuyang puwesto nito patungo sa isang kahiwalay na gusali —partikular sa itatayong legislative building upang mas mapadali ang pagpunta ng mga mamamayan dito.
Sa panayam ng Balikas, inihayag ni Cuenca Administrative Officer Iren Cuevas na ang tanggapan ng Civil Service Commission ay nagpapadala na lamang ngayon ng mga memorandum circulars at iba pang kautusan sa pamamagitan ng online na transaksyon gaya ng email kung kaya’t malaki ang naitulong sa munisipyo ng e-center.
“Eto lang yung unang pagkakataong nagkaroon ng internet access dito (sa munisipyo),” wika ni Cuevas.
Ang kumpanyang Digitel ang kasalukuyang naghahatid ng Internet access sa nasabing e-center.
Sa ngayon, ani Cuevas, ay ninanais ng pamahalaang bayan sa tulong ni e-center personnel Jhowee Vargas na mai-ensayo sa Oktubre ang mga ingat-yaman ng barangay at mga kapitan hinggil sa paggamit ng Internet upang mapabilis ang transaksyon ng munisipyo sa mga ito.
Balak din aniyang isama sa mga pagsasanay ang mga empleyado ng gobyernong hindi pa maalam gumamit ng Internet.
Dahil ang ginagamit na operating software ng mga kompyuter ng CEC ay Linux sa halip na Microsoft, aminado si Cuevas na kinakailangan pa ng panibagong ensayo sa paggamit nito.
Inaasahan naman ng pamahalaang bayan na kung magtutuloy-tuloy ang mga ensayo ay mabubuksan na ang CEC sa publiko sa Enero ng susunod na taon.
“Isa sa mga rason kung bakit hindi pa sya ma-operate dahil maliit sya (sa sukat) at sa taas (na palapag) pa nakalagay,”
Ang pambansang pamahalaan muna ang siyang magbabayad ng mga gastusin sa e-center kabilang ang Internet access sa loob ng isang taon bago ito tuluyang ilipat sa munisipyo, ayon kay Cuevas.
Oras na makumpleto aniya ang mga equipment sa e-center ay hihilingin niya sa sangguniang bayang magpasa ng ordinansa para sa mga hakbang hinggil sa pagpapanatili nito.
Sa panayam ng Balikas sa mga residente ng Cuenca ay pabor ang mga ito sa itatayong e-center sa kanilang lugar.
Gusto nina Edson Limbo at May Laki ang lugar kung saan mas makakamura ang Internet. Pero kung apat lamang ito at puros mga empleyado ng munisipyo ang makakagamit, “parang balewala rin,” ayon kay Laki.
Ayon naman kina Limbo at Laki kung ang gagamiting operating software ng mga computer sa CEC ay Linux sa halip na Microsoft, mas pipiliin na lamang nilang pumunta sa mga computer shop sa poblasyon.
Umaabot sa P108.49 milyon ang pondong ilalaan ng pambansang pamahalaan para sa nasabing proyekto, ayon sa website ng CICT.
Kung maririnig ang kuwentong ito ng mga nagsusulong ng proyektong National Broadband Network, sa pangunguna ng Department of Transportation and Communications, magiging kaaya-aya ito.
Layunin ng proyektog NBN, kung saan ang gagawa ng paraan rito ang ZTE Corporation mula sa bansang Tsina, ay ikonekta ang mga ahensiya ng pamahalaan, kasama rito ang fourth, fifth, at sixth-class municipalities, sa buong bansa.
Iyun nga lang, dinidinig sa Senado ang US$330 milyong proyekto bunsod ng nakikita ng mga senador na maraming problema nito, kasama ang alegasyong suhulan.