by Carvelo L. Malubag
www.balikas.net
LAUREL, Batangas—MAY patay na isda na lumutang sa loob ng fishcage ni Michael Santacruzan. At ang komunidad sa Barangay Balakilong ganito rin ang nakikita nila sa Lawa ng Taal. At para sa kanya, na isang caretaker ng fishcage, “kasama na sa kapalaran sa pag-aalaga ng isda” ang pagkamatay nila sa pamamagitan ng fishkill.
Kaya’t isinakibit-balikat na lamang ni Santacruzan ang pangalawang fishkill sa bayan na ito sa loob lamang ng mahigit anim na linggo. Sa kanyang pananaw, ang bagong fishkill na dinanas ng Laurel ay magbibigay sa kanya ng maliit na kabahagi sa kanyang inaalagaang fishcage.
Pero malaki ang pinsala na dulot ng fishkill na tumama naman sa Barangay Balakilong at Barangay Leviste noong ika-10 hanggang ika-17 ng Setyembre. At sa tingin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), may malaking dahilan kung bakit ang mga mangingisda ay kasama sa problemang ito.
Umaabot sa 40 metriko toneladang isda sa tinatayang halaga na P2 milyon ang nalugi sa mga fishcage operator sa Balakilong. Samantala, 10 metriko tonelada o katumbas ng kalahating milyong piso naman sa Barangay Leviste ang nalugi.
Kung PhP 75 ang bawat kilo ng tilapya aniya ang pagbabatayan ay tinatayang Php3.75 milyon ang nalugi sa mga may-ari ng fishcage na apektado nitong bagong fishkill.
Noong ika-5 hanggang ika-6 ng Agosto ay nagkaroon ng fishkill sa mga baranggay naman ng Brgy. Buso-Buso at Leviste. Umabot sa 12.5 metriko tonelada ng isda na nagkakahalaga ng P1 milyon ang nalugi.
Kung kaya’t sa dalawang fishkill na ito na tumama sa Lawa ng Taal, 62.5 metriko tonelada ng isda ang namatay, at ang pagkalugi ay mga mahigit sa 4.7 milyon
Lumulutang
Sa pitong araw na itinagal ng fishkill, sinabi ni naman ni Ciriaco Calinisan, Municipal Development and Planning Coordinator ng pamahalaang lokal ng Laurel, nailibing na daw ang mga namatay na isda.
Pero inabutan pa ng Pahayagang Balikas na lumulutang pa rin ang mga isdang patay sa pampang ng Balakilong nitong ika-17 ng Setyembre. Masangsang pa ang amoy sa lawa na nasasakupan ng nasabing barangay.
Katulad ng naunang trahedya, ang pabagu-bago ng panahon pa rin ang idinadahilan ng fishkill. Noong nakaraang buwan, mga ikalawang linggo lamang ng Agosto bumugso ang ulan sa ilang bahagi ng Luzon matapos dumanas ang mga lugar na ito (kabilang ang Batangas) ng humahabang panahon ng tag-init.
Pero ayon kay Agnes Artista, agricultural technologist ng Laurel ay katigasan na ng ulo ng mga caretaker at operator ng fishcage kung bakit lumala ang dami ng namatay na isda.
Inabisuhan na ang mga mangingisda, ani Artista, na tigilan muna ang pagpapatuka sa mga isda sa dahilang pumapangit na ang kundisyon ng tubig.
”Alam na nila iyon dahil aware na sila sa ganyan ang mangyayari sa lawa,” wika ni Artista.
Nanindigan naman ang BFAR-Inland Fisheries Research Station (BFAR-IFRS) na sadyang may kakulangan na sa oksiheno (oxygen) ang lawa dulot ng pagdami ng patabang nagmumula sa unconsumed feeds.
Ang mga patabang ito ay lumalagpas na sa lebel ng kakayanan ng tubig sa lawa, ayon kay Maurita Rosana ng BFAR-IFRS.
Problema pa ng BFAR-IFRS and bangkang masasakyan kung kaya hindi sila nakapunta kaagad sa pinangyarihan ng fishkill.
Pero kahit aniya hindi sila nakapunta sa Laurel sa kasagsagan ng fishkill ay tinuruan naman ang mga lokal na pamahalaan, partikular ang mga bayan ng Talisay at Laurel, sa pag-analisa ng uri ng tubig ng lawa, dagdag ni Rosana.
Inamin naman ng agricultural technologist na sa kakulangan ng tao at sa dami ng trabaho ay hindi na magawa ng kanilang tanggapan na makapag-analisa ng tubig sa lawa.
Ang pagsinghap ng isda sa katubigan ay sapat nang indikasyon na na posibleng magkaroon ng fishkill, paliwanag ni Artista.
Isa ring tinutukoy na dahilan ang sobrang pag-stock ng tilapya sa bawat fishcage. Sabi ni Artista, kung ang rekomendasyon ng BFAR-IFRS ay 50,000 semilya (fingerling) sa bawat fishcage, ang inilalagay ay 100,000 pataas
Mayroong 2,305 fishcages sa Laurel ayon sa BFAR.