PNS — Story conference ng independent film na Nars ang alam ni Jennylyn Mercado na pupuntahan niya sa isang restaurant sa Tomas Morato kaya naka-casual dress lang siya na shirt at shorts. Pero nagulat siya nang makita niyang marami palang entertainment press na invited ang mga producers na sina Carlo Balita at Carlo Maceda ng Carl & Carl Production.
First time na nagkita kahapon sina Jennylyn at Adolf Alix na siyang magdidirek ng Nars. Matatandaan na nagkaroon ng issue noon na nasulat na si Jennylyn ang gaganap na leading lady ng F4 member na si Ken Zhu sa pelikulang Batanes, na si Adolf din ang magdidirek. Pero kay Iza Calzado pala talaga in-offer ang naturang palikula at hindi kay Jennylyn.
Sa kabila nito, mauuna pang makatrabaho ni Direk Adolf si Jennylyn kesa kay Iza dahil bukas, September 22, ay magsisimula na silang mag-shooting ng Nars at tatagal ito hanggang September 30.
First independent film din ito ni Jennylyn at excited siya to play the role of a nurse. May preparation ba siyang ginawa para sa role niya bilang dalaga na kailangang isantabi ang kanyang pangarap at sundin ang course na gusto ng kanyang pamilya para makapagtrabaho siya abroad?
“May ibinigay po silang reviewer sa amin para malaman namin kung ano ang dapat ikilos ng isang nurse… Yung tamang pagsusuot ng uniform, kung ano ang dapat gawin kapag naka-duty. Iyon po pinag-aaralan namin.
“I’m very thankful and blessed na nabigyan ako ng ganitong role kasi po mataas ang pagtingin ko sa mga nurses. At dito, ipakikita ng movie na dapat, tulad ng mga doktor, irerespeto rin ang mga nurses,” saad ni Jennylyn.
Bago ang katambal ni Jennylyn sa movie, ang model-actor na si Jon Avila, na contract artist ng Star Magic. Hindi ba naiilang ang young actress dahil first time niya lang makakatambal naturang model-actor?
“Wala naman pong problema sa akin kahit sino ang makatambal ko. Trabaho po ‘yon, hindi ako dapat mamili,” paliwanag ni Jennylyn.
RUMORED BREAK-UP. Diniretso na rin si Jennylyn sa issue na nagkakalabuan na raw sila ng boyfriend niya na si Patrick Garcia at baka matuluyan na raw ang break-up nila. Napansin daw kasi na parang very cold na sila sa isa’t isa nang mag-guest sila sa isang episode ng SIS.
“Hindi po totoo ‘yon, ayos na po kami ni Pat. One year and one month na po kami,” pagtanggi ni Jennylyn.
Dagdag pa niya, “Inaamin ko po na nagkatampuhan talaga kami noon. Hindi ko naman siya masisisi nang mag-guest kami sa SIS at nagtampo siya. Nag-guest po ako para mag-promote ng Magpakailanman, nagkataon naman na birthday celebration ni Pat. Tapos ipinakita yung kissing scene namin ni Mark [Herras] sa Magpakailanman. Tapos hindi pa nga ako naka-attend ng birthday celebration niya noon sa SOP dahil nagkasakit ako, kaya nagkasunud-sunod. Pero noong birthday naman niya, pinuntahan ko siya sa set ng Fantastic Man. Wala pa lang po akong birthday gift sa kanya. Pero kapag kami pong dalawa ang magkasama, sweet po kami sa isa’t isa.”
Lumalabas na seloso pala si Patrick. Hindi ba makaapekto sa trabaho ni Jennylyn ang pagiging seloso ng kanyang boyfriend?
“Iyon nga po ang sinasabi ko sa kanya, sana pagdating sa trabaho, hayaan na lang niya ako. Alam ko naman kung ano ang tama at mali. Naiintindihan daw po niya ako, at sana hindi na nga maulit ‘yon,” pahayag ng young actress.
May balita rin na sina Patrick at Bianca King, dating girlfriend ni Patrick noong nasa ABS-CBN pa ito, ang gagawing magka-love team ng GMA-7. Ano ang masasabi ni Jennylyn dito?
“Okay po sa akin ‘yon, trabaho lang naman po ‘yon, e.” sagot ni Jen.
Dagdag pa ng dalaga, “Pero gusto po ni Pat na pumunta ng States para mag-aral for six months. Hindo ko lang po alam kung itutuloy niya ‘yon.”
JEN’S CAREER. Balitang si Jennylyn na ang gaganap bida sa television remake ng Sharon Cuneta-Gabby Concepcion movie na My Only Love, pero pinagpiplian pa raw kung sino kina Patrick at Mark ang makakatambal niya. Kung si Jennylyn ang papipiliin, sino sa dalawa ang gusto niyang makatambal?
“Pagdating po sa trabaho, kahit po sino kina Mark at Patrick. Pero wala pa pong sinasabi sa akin ang GMA Artist Center kaya ayoko munang isipin na sa akin na nga yung project. Hanggang hindi po ako etaping, ayoko munang magsalita,” sabi ni Jennylyn.
Balita rin na siya ang kinu-consider na maging leading lady ni Robin Padilla sa Joaquin Bordado. Ano ang reaksiyon niya rito?
“Sino ba naman ang tatanggi na makatambal si Robin? Pero tulad po ng sabi ko kanina, ayoko munang isipin ang lahat ng ‘yon hanggang hindi kami nagsisimula, ” giit niya.
Happy si Jennylyn na sunud-sunod na rin ang ginagawa niya ngayon sa GMA-7 kahit pa-guest-guest lamang muna siya. Ang GMA Artist Center na ba ang nagma-manage sa kanya ngayon?
“Direkta na po silang nakikipag-usap sa amin ni Mama [Lydia Mercado] kasi hindi po sila makikipag-negotiate sa manager ko [Becky Aguila]. Kaya sinasabi ko na lang po kay Tita Becky kung ano ang napag-usapan namin ng Artist Center. Inu-honor naman po nila kung anumang project ang nakuha ng manager ko,” lahad ng kauna-unahang StarStruck Ultimate Female Survivor.
Bukod sa Nars ay ginagawa rin ni Jennylyn ang pelikulang Resiklo, ang pelikula niya with Bong Revilla na entry ng Imus Productions sa 2007 Metro Manila Film Festival.