by Mary-Ann R. Del Mundo
http://www.balikas.net/
LUNGSOD NG LIPA — HUMIGIT–kumulang sa 2,000 puno ang naitalang naitanim sa bahagi ng Bundok Malarayat na nakakasakop sa Brgy. Sto Niño, kahit patuloy pa rin ang banta ng pagpuputol ng puno sa isang katabing barangay.
Ang bilang na 2,000 punong naitanim ito ay ayon sa talaan ng Community Monitoring Team (CMT), na siyang nangangalaga sa mga itinanim na puno) mula Oktubre ng nakaraang taon hanggang nitong Setyembre.
Halos walong ektaryang baybayin ng ilog ang nataniman ng nasabing bilang ng mga punong tibig, hawili, bignay, is-is, balobo, banaba, makaasim at anai.
Ayon kay Kapitan Eleno Mea ng Brgy. Sto Niño, “Kung dati ay ramdam nila ang paghina ng tubig lalo na kapag darating ang Pista sa Sapak (Brgy. San Isidro tuwing buwan ng Mayo) ay kinakailangan pang patayin ang tubig dito sa amin upang magkaroon lamang ng suplay ng tubig sa San Isidro”.
Pero ngayon, pansin ni Mea, malakas na ang tubig na dumadaloy sa ilog.
Bukod sa iba’t ibang klase ng puno at hayop na matatagpuan sa nasabing bundok, makikita rin dito ang iba’t ibang uri at makukulay na paruparo tulad ng Paper kite, Common mormon, Green jay at Lime butterfly na matatagpuan din sa mga bansang malapit sa Pilipinas.
Matapos ang pagtatanim, patuloy pa rin na magmomonitor ang itinalagang Community Monitoring Team sa tatlong pangunahing ilog sa Sto. Niño, ang Ilog Sala, Banaba at Butas.
Ang patuloy na pagtatanim ng tubig ay kabilang sa proyektong Malarayat Watershed Conservation Program at ang karanasan na nangyayari sa Sto. Niño ay ibinahagi sa isang naganap na pulong noong ika-4 ng Setyembre sa Health Center ng Brgy, Malitlit.
Pero sa naturang pulong, naibatid ni Kagawad Felix Navarro na patuloy pa rin ang pag-uuling at talamak na pagtotroso sa lugar. Wika niya, “Mga 15 malalaking puno ang nakita naming pinutol sa itaas.”
Hinala ng mga ito na nagmula sa Lalawigan ng Quezon ang mga mamumutol ng puno sa kanila lugar dahil sa mga bakas ng kalabaw at troso na hinihila pababa sa nasasakupan na bahagi ng bundok patungo ng bayan ng Tiaong.Kinuha naman ng Balikas ang panig ng Community at Provincial Environment and Natural Resource Office-Batangas hinggil sa sinabi ni Kagawad Navarro, ayon sa kanila wala silang naiulat na illegal logging sa nasabing bahagi ng bundok.
Sinabi naman ni Atty. Asis Perez, Executive Director ng Tanggol-Kalikasan-Manila “ Kahit ilang puno pa ang pinutol sa lugar, maiikonsidera pa rin itong illegal logging.” Maari din kasuhan ang sinumang may kinalaman sa iligal na gawain sa ilalim ng Presidential Decree 705 o The Forestry Reform Code of the Philippines.
Ayon pa sa kagawad, mas malaki ang bahagi ng lupa o Forest Reserved Area at watershed na nasasakupan ng Brgy. Malitlit kumpara sa iba pang barangay malapit dito, ang Sto. Niño at Talisay. Dagdag niya, tinatayang may 20 ektaryang lawak ng lupa ang kinakailangan taniman pa ng mga natural na mga punong nabubuhay sa nasabing bundok at umano’y may isang malaking bukal na tinatawag nila “Balong Heneral” ang nananatiling buhay na dapat pangalagaan.