by Donna T. Virola
http://www.balikas.net/
MAMBURAO, Lalawigan ng Occidental Mindoro—BINASAG ni artist-environmentalist Chin-Chin Gutierrez ang imahen ng pangkaraniwang sikat na artista sa mga tao rito.
Hindi siya nag-plug ng pelikula, subalit nanghikayat para sa “paglilinis sa sarili”, madaliang pag-aruga sa Inang Planeta, at ang pamumuhay na maka-kalikasan.
Walang halong pagpapasikat kundi pagbibigay-halimbawa sa sinasabi (walking the talk).
Nagsalita si Gutierrez sa diretsong Tagalog—malalim, malumanay, nagmamalasakit sa kalikasan at katutubong Pilipino.
Ang tagapakinig ay naging kalahok sa kanilang pagpasok sa kalooban at pangungumusta ng kanilang ugnayan sa kalikasan- sa Diyos, ibang tao at kapaligiran.
“Akala namin, ang artista ay mahirap maabot at walang malasakit sa amin,” ani Selda Sanuton, isang lider ng mga Mangyan, sa nakaraang bisita ni Gutierrez nuong ika-26 ng Agosto.
Kuwento ni Gutierrez, ang Mangyan ang unang katutubo na kanyang nakadaupang-palad nuong kolehiyo, sa isang kurso.
Kaya rin, “Oyayi” (pampatulog sa bata o “lullaby” sa wikang Mangyan) ang titulo ng “tribal lullabies” na kinulekta niya sa loob ng tatlong taon.
Sa kabila ng kamakailang pagpanaw ng kanyang ina na dating madreng Fransiskana, patuloy sa gawaing pang-kalikasan si Gutierrez.
‘Eco-spirituality’
“Unang pagkakataon na i-cover ng media si Chin-Chin sa kanyang pagbabahagi sa ukol sa tinatawag na eco-spirituality”, ani talent manager na si Anjie Ureta.
“Sinisimulan niya ang pagmumulat sa pagmamalay sa mga tao sa kanilang kamalayan at espiritwal na ugnayan ng tao at sannilikha. Binabalanse niya ang outer ecology at inner ecology sa pagsasabi na ‘hangga’t ‘di nawawala ang basurang panloob, ‘di mawawala ang basurang panlabas’”, ani Ureta.
Kaya nga si Gutierrez ay marami ring imbitasyon mula sa mga taong relihiyoso.
“Maganda ang kaniyang mensahe nang itinahi niya si Birheng Maria sa inang kalikasan,” ani Fr. Nanding Santos, direktor ng West MDO Academy sa Mamburao, Occidental Mindoro.
Kahit saan siya magtungo, ispesyal ang kanyang pagturing sa katutubo.
“Sila ang ating anchor. Maraming matututunan sa kanila, ‘di lamang head-level, kundi isang dagliang pagkagising ang nangyayari sa pakikipag-usap sa kanila dahil sila ay mag maigting na relasyon sa kalikasan kung saan nila kinukuha ang pagkain,” ani Gutierrez.
Subalit sa pagtulak sa kanila sa kabundukan, naging nomads sila. “Kailangan nating ipreserba ang kanilang kultura, sila’y endangered species na kung tutuusin ay bahagi natin”, ani Gutierrez. Dagdag niya, ang bawat tao ay masasabing tulad ng isang ina na may natural na pagkalinga sa iba.
“Kung wala ang pag-alala sa pagbibigay-kalinga (remembrance of caring), tulad ng pag-aalaga ng ina sa atin, paano tayo matututo na alagaan natin ang kalikasan?” ani Gutierrez.