by Carvelo L. Malubag
http://www.balikas.net/
LUNGSOD NG LIPA—TUMAAS ng halos 1,000 porsiyento ang bilang ng nabiktima ng dengue sa lungsod mula buwan ng Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon.
Mga 17 katao ang napaulat na biktima nito simula Enero hanggang Hulyo ng kasalukuyang taon. Ngunit makaraan ang dalawang buwan, ang bilang ng mga biktima ay naitalang umabot sa 181 kung saan ang labing-apat na taong gulang na si Jeffer John Guanzon ay binawian ng buhay kamakailan.
Para kay Dr. Leonardo Ricero, hepe ng Lipa City Health Office, bagama’t tumaas ang bilang ay hindi aniya dapat mangamba ang publiko.
“Ang buwan ng Agosto ay sadyang peak season ng dengue,” wika ni Ricero. Patuloy aniya ang kanilang tanggapan sa pagpapakalat ng impormasyon upang puksain ang dengue katulong ang simbahan, paaralan at iba pang sektor.
Sa hilagang distrito ng lungsod naitala ang pinakamaraming nabiktima ng dengue na umabot sa 68; sa silangan ay 47; at sa timog ay 38. Samantala ang kanlurang distrito at ang mismong lungsod ay 45 katao ang tinamaan ng dengue.
Sa kasaysayan ng epidemya ng dengue sa lungsod ay mas higit nabibiktima ang kabataan. Ganito rin ang sinapit ni Bighani Goce, residente ng barangay Marawoy,12 taong gulang at mag-aaral.
Isang linggo siyang nanatili sa ospital, matapos isugod dahilan sa pagkahilo, pagsusuka at kinalauna’y napag-alamang positibo siya sa dengue. Sa kanyang paggaling sa nasabing sakit ay pag-iingat aniya ang kanyang gagawin upang hindi na maulit ang dengue.
Ayon pa rin kay Ricero, ‘di tulad ng tigdas na isang beses lang dapuan ang isang tao sa kanyang buong buhay, ay may apat na uri ang dengue kung kaya’t posibleng apat na beses kapitan ng dengue ang isang tao.
Ang dengue ay isang nakakamatay na sakit mula sa kagat ng lamok na may taglay nito. Mula Enero hanggang Hunyo, sa bayan ng Talisay, mga 67 residente ang napaulat na may dengue. May isang walong taon gulang na bata na namatay noong Hulyo.
Nasa sariling tahanan pa rin ang pinakamabisang solusyon upang hadlangan ang dengue, pagpapatuloy ni Ricero.
Bagama’t nagsasagawa ng larval survey at inspeksyon sa mga baranggay ang C.H.O., ang kalinisan pa rin ng paligid at pagtatapon ng mga stagnant water ang ikasusugpo sa pagkalat ng nakakamatay na dengue.