Sa Aking Pag-iisa…
Sa marahang pag-usad ng araw at gabi,
Lumilikha ng kirot sa puso palagi,
Sa isip pagsumaging wala ka sa tabi
Nawawala ang sigla ng di ko mawari.
Sa lumang larawan mo na laging kapiling
Matay naghihilam may hapdi ang damdamin,
Ang bulong ng puso kong tigib ng panimdim
Pangungulilla ba’y; Paano haharapin?
Kasabay ng sikat at paglubog ng araw,
Ay mga ala-alang madalas dumalaw;
At anyo ng mukha mo sa’king balintataw;
Ang siyang dahilan ng puso kong mapanglaw.
Karagatang buhangin, kay lungkot ng buhay,
Maalab na hangin may hatid na lumbay,
Mata’y napipikit diwa ko’y naglalakbay;
Landasin tinatahak ay palaging ikaw.
Tadhanang mapagbiro, tayo’y pinaglayo,
Nagdurusang tunay puso kong nagdurugo;
Nilulunggating layon mataos sa puso,
Mabigyan ligaya ka’t pangarap mabuo…
Celso Paraiso
Riyadh Saudi Arabia