Through The Eyes of Juan
Sinubukan kong kunin ang masasabi ng ilan sa mga Pilipinong nakilala ko dito sa Japan kung ano ba ang ibig sabihin sa kanila ng tagumpay o success. Ang ilan sa kanila ay nagsabing kung maabot mo na ang mga pangarap mo at magkaroon ng masaganang buhay kahit na isakripisyo mo ang ilang mahahalaga sa iyo, yun ang tunay na tagumpay. Ang ilan naman ay nagsabi na ang tunay na tagumpay ay ang pagkakaroon at pagsobra pa nito. Para sa kanila, ang tagumpay ay kasaganaan at katuparan ng mga pangarap. Ngunit para sa mga Pilipinong nasa sarili nating bansa, na may ngiti habang naghihirap buong araw, sapagkat pagkatapos nito ay may maiuuwi siyang sapat na salapi para sa pagkain ng kanyang pamilya kinabukasan, ang pagkakaroon ng masaganang buhay at katuparan ng lahat ng pangarap ay hindi ang tunay na ibig sabihin ng tagumpay. Para sa kanila ang pagkakaroon ng katiwasayan sa anumang mayroon ka upang mairaos ang isang buong araw at patuloy pa ring makangiti at lumabang muli kinabukasan, iyon ang tunay na tagumpay.
Mayroong kani-kaniyang pagkakaintindi ang bawat Pilipino sa salitang tagumpay. Ito ay maaaring kasaganaan, katiwasayan o kaligayahan. Ngunit ang katotohanan ay lahat ng ito ay nagmamaliw. Isang araw nabubuhay ka sa kasaganahan, kinabukasan ay pulubi ka na. panatag ang iyong buhay ngayon sa kung anong mayroon ka, kinabukasan ay puno ka na ng takot. maligaya ka sa ngayon dahil sa mga bagay na nakamit mo, kinabukasan ay hindi mo mapigilang lumuha dala ng pagkawala ng mga ito. Ano nga ba ang tunay na tagumpay?
Sa isang bansang tulad ng Japan na ang salapi at teknolohiya ang nagpapatakbo ng buhay, aminin man natin o hindi ang ibig sabihin ng tagumpay dito ay pag-abot sa pangarap at paglampas pa dito at patuloy pa sa pag-angat. ngunit ang lahat ng ito ay may hangganan. Ang buhay ay pagtakbo…ang bawat isa ay may kani-kaniyang takbuhin at may kani-kaniyang pagsubok upang matapos ang takbuhing ito. Ang iba nga lang ay tumitigil na sa kalagitnaan at hindi na nagpatuloy pa. Gumagawa sila ng sarili nilang hangganan at nakalimutan na ang takbuhing inumpisahan. Ngunit may isa lamang katapusan ang pagtakbong ito at doon mo makikita ang tunay na tagumpay na hinahanap mo. At kapag narating mo na ang hangganang iyon, hindi ka na muling tatakbo pa sapagkat ang gantimpalang ito ay hindi na mawawala sayo. Ang gantimpalang ito ay hindi sa lupa sapagkat ang gantimpalang ito ay hindi kailanman magmamaliw at masisira. Ito ay tanging makikita lamang sa ating Panginoon na Siyang magbibigay sa atin ng katiwasayang hindi magmamaliw, kasaganahang hindi mauubos at kaligayahang hindi mapapatid.
Kung tatanungin mo ang iyong sarili, nakamit mo na ba ang tagumpay? nasaan ka na sa iyong takbuhin? o tumatakbo ka pa ba? naghihintay lamang sa dulo ang iyong gantimpala at ang gantimpalang ito ay para sa iyo lamang.