PNS — Hindi pa man nagsisimulang ipalabas ang Sinasamba Kita, ang unang handog ng Sine Serye ng GMA-7, ay nagkaroon na ng story conference para sa susunod na episode ng naturang serye. Ito ay ang remake ng 1985 movie ng Megastar na si Sharon Cuneta, ang Pati Ba Pintig ng Puso?. Balitang first week of May nakatakdang mag-first taping day ang second offering ng Sine Serye.
Ang Pati Ba Pintig ng Puso? ay pinagtambalan noon nina Sharon at ng kanyang dating asawa na si Gabby Concepcion. Kasama nila rito sina Eddie Garcia, Dina Bonnevie, Edu Manzano, Jobelle Salvador, at ang yumao nang sina Charito Solis at Joel Alano.
Sa TV version naman ng Viva Films classic na ito, first time na susubukan ng Kapuso Network ang tambalang Yasmien Kurdi at JC de Vera, na gaganap sa mga roles nina Sharon at Gabby.
Napag-alaman na kasama rin sa cast ng TV version ng Pati Ba Pintig ng Puso? sina Eddie Gutierrez sa role ni Eddie Garcia noon, si Karel Marquez sa role ni Dina Bonnevie, at si Chynna Ortaleza sa role ni Jobelle Salvador. Makakasa rin daw rito sina Jennifer Sevilla, Marco Alcaraz, at Kier Legaspi.
Ayon pa sa balita, tila hindi na raw hihintayin ng GMA-7 na matapos ang Sinasamba Kita bago ipasok ng GMA-7 ang Pati Ba Pintig ng Puso? dahil sunud-sunod na raw itong mapapanood after ng Daisy Siyete.
Isa sa pinaka-memorable scene sa pelikulang Pati Ba Pintig ng Puso? ay ang helicopter scene, kung saan bumaba si Gabby pauwi sa kanilang hacienda. Ayon sa source, na kasama sa production team ng TV version, pipilitin nilang maipakita rin ang naturang scene sa remake nito.
Ang Pati Ba Pintig ng Puso?, the series, ay nakatakdang idirek ni Gil Tejada.