Artikulo ni Pamfilo Rodolfo R. Cueto III
LUNGSOD NG LIPA- Dahil sa wala pang malinaw na pamantayan upang magamit ang ipinataw ng pamahalaan na Environmental Management Fee (EMF), isang fee na binabayaran ng bawat sambahayan sa Lungsod ng Lipa sa halagang sampung piso kada buwan, ito ay nais kapain ng samahang Pusod, Inc. para sa watershed project sa nasabing bundok.
Ang Pusod Incorporated, isang Non-government Organization (NGO) kaakibat ng Department of Environment and Natural Resources at iba pang ahensya at mga opisina sa lungsod ng Lipaay may programa na protektahan ang Bundok ng Malarayat. Ninanais ng organisasyon na palawakin ang mapapagkunan ng pondo upang maitaguyod ang nasabing proyekto.
Pero ayon kay Engr. Cesar C. Ledesma, Public Services Officer IV ng Lipa City Environment and Natural Resources Office (CENRO), ang naturang bayarin ay nakalaan para sa Solid Waste Management ng bawat barangay at hindi ito pwedeng gamitin para sa ibang proyekto.
May dagdag na ulat ni Arvel Malubag
“Hindi ito pwede magamit sa Mount Malarayat project kahit na may fund galing sa RA 9003 kasi national law iyon at ito ay ginagamit ng buong lungsod. Meron na kasing bukod fund na nakalaan para sa watershed project na ginagamit ng Lipa City Watershed Council,” paliwanag ni Engr Ledesma.
Alinsunod dito, ang Republic Act 9003 o ang Solid Waste Management Act ay naglalayon na makapagbigay ng pondod para sa parehong layunin.
“For solid waste management talaga ang Environmental Management Fee (EMF), kaso di lang nasusunod ng mga Barangay kasi wala pa tayong guidelines para sa paggamit nito,” dagdag niya.
Nakapaloob sa Ordinansa # 7 Serye ng taong 2004 Seksyon 46 na nag-amyenda sa Section 1 of General Ordinance No. VIII Series of 1999 o ang “ Environmental Management Fee for Residential Houses” na ang bawat residensyal na bahay ay liable sa taunang EMF na Php120 o Php10 kada buwan na kanilang babayaran kasabay ng kanilang pagbabayad ng water bill. Ang perang makokolekta ay ireremit sa City Treasurer’s Office kung saan ang kalahati ng pera ay ipapamahagi kada buwan sa 72 barangay para sa Solid Waste Management at ang kalahati naman ay magsisilbing Trust Fund para sa operasyon at programa ng CENRO.
Isinusulit ng Metro Lipa Water District (MLWD), ang nagsisilbing “collecting arm” ng EMF, ang perang nakolekta sa City Treasurer’s Office kada buwan.
“Dahil wala pa tayong malinaw na guidelines para sa EMF, ginagamit na lang ito ng ibang mga barangay officials bilang pambayad sa mga taong pinagwawalis o pinaglilinis nila ng paligid ng kanilang barangay. Kahit hindi sa solid waste management ito nagagamit, at least nagagastos pa rin nila ito para sa kapaligiran,” paliwanag niya.
“Dapat para sa environmental sanitation and beautification gamitin ang perang galing dito dahil wala pa tayong guideline sa tamang paggamit ng EMF para sa mga barangay,” ani Ledesma
Sang-ayon sa datos ng MLWD, tinatayang may kabuuang 42, 193 households kasalukuyan sa buong lungsod ang nagbabayad ng P10.00 na EMF.
Ayon kay Felix Atienza, punongbarangay ng Pinagkawitan, Lipa City, ang EMF na nakukubra ng kanilang barangay ay ginagamit umano sa mga gawaing pangkapaligiran. Katulad aniya ng pagmimintina ng mga hardin at sa pagpapalinis ng mga kanal at lansangan”. Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto ang tubig (surface water) na nagmumula sa Brgy Talisay at Brgy Sto Nino ay dumadaloy umano patungong Padre Garcia sa timog, sa Quipot River sa silangan palabas ng Tayabas Bay.
Habang isinusulat ang balitang ito ay idinidesenyo na umano ng CENRO Public Sevices Officer ang nasabing guidelines upang magkaroon pa umano ng isang session para mabigyang-linaw ang isyu. Sa kasalukuyan din ay natapos ang pagkolekta ng datos para sa pag-alam kung gaano ang kayang iambag ng mamamayan ng Lipa para sa mga gawain ng pangangalaga sa Bundok ng Malarayat.