Brgy. Sto. Nino,Lungsod ng Lipa – Sa pamamagitan ng mga pagsasanay sa para sa Mt. Malarayat Forest Reserve ay inaasahang patuloy na magiging mayabong ang kabundukan at mapapanatili ang likas – yamang matatagpuan dito.
Ayon kay Rodrigo P. Arcillas, Senior Forest Guard ng MAKBAN ( Makiling- Banahaw) Watershed Team-ng National Power Corporation (NPC), “malaking tulong ang Law Enforcement Training na ito para dagdag kaalaman namin sa batas pangkagubatan”.
Umaasa umano na mas mabibigyan pa ng kaalaman sa nasabing pagsasanay ang mga nagsidalo sa batas pangkagubatan at iba pang may kinalaman sa batas pangkapaligiran, tamang proseso ng pag-aresto, pagkumpiska, detensyon at pangangalap ng ebidensya.
Ang Mt Malarayat Forest Reserve ay 1,210 hektaryang lupain at kabundukan sa ilalim ng Presidential Proclamation 842, at bahagi ng 162,000 ng Exectutive Order No. 224. Ang nasabing forest reserve ay nakapaloob sa 5 barangay na kinabibilangan ng Brgy Talisay, Sto Nino, Malitlit, San Celestino at San Benito sa lungsod ng Lipa.
Bagama’t ang pagbuo ng pinag-isang plano para sa pagpapatupad ng batas pangkalikasan at patuloy na pagprotekta sa Malarayat Forest Reserve ay nakatakdang gawin ay ipinaabot ng mga dumalo ang kanilang suporta sa NPC, Lipa City Head Water Councils at Mount Malarayat-Malepunyo Watershed Protection Councils na sa wakas umano ay mapag-iisa na rin ang layuning mapangalagaan ang nabanngit na bundok.
Naging tagapagsanay sa tatlong araw ng nasabing pagsasanay sina Atty. Ronely Sheen,G. Glenn Forbes at G. Jay Lim mula sa samahang Tanggol Kalikasan, na pawang mga eksperto sa larangan ng pagpapatupad ng batas. Ilan sa mga ibinahagi nila ay Environmental Law Enforcement Principles and Practice, Arrest Seizure and Detention, Law on Evidence Process and New Rules on Environmental Cases, Law on Evidence – mga paksang lubos na nagustuhan ng mga Bantay-Gubat dahil na rin sa ang mga ito ay kabilang sa mahahalagang kaalaman na kanilang magiging sandata sa pagharap sa mga paglabag sa mga batas pangkalikasan. Kabilang rin sa nabanggit na pagsasanay ay ang pagsasabuhay ng mga kalahok ang aktuwal na pagpapatupad ng batas pangkalikasan.
Samantala,tinalakay naman ng mga kinatawan ng DENR IV-A CALABARZON na sina Forester Victor Mercado at Forest Joseph Palomar ang mga batas at panunutunan na may kinalaman sa mga buhay-ilang o ang Wildlife Protection and Conservation Act (Republic Act 9147 at NIPAS Act National Integrated Protected Areas System NIPAS Act RA 7586. Nagbahagi rin si Forester Ramon Berbano ng ilang mga mahahalagang nilalaman ng Presidential Decree 705 o Forestry Code at Chainsaw Act (RA 9175).
Sa kasalukuyan ay ninanais ng National Power Corporation (NPC), sa tulong narin ng ibang ahensya at samahang nangangalaga at nagpoprotekta sa Mt Malarayat Forest Reserve na magkaroon ng Operations Protocol upang magkaroon ng organisadong pamamaraan at proseso sa pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan sa Mt Malarayat. Ayon kay Forester Eleanor Perez ng NPC, sinimulan umano ang kanilang pakikibaka sa pagpapalaganap ng impormasyon na mapangalagaan ang kabundukan sa mga komunidad na nakapalibot dito noong 2004. Kasunod din aniya nito ay ang pagbuo ng Mt Malaraya – Malepunyo Watershed Protection Council (MMWPC) na nagpapatupad ng batas pangkalikasan. Ang MMWPC ay binubuo ng piling mamamayan at mga opisyal ng barangay na binigyan ng kapangyarihang ipatupad ang mga batas pangkalikasan sa nasasakupan ng reserbasyon ng Makiling at Banahaw.
Ang binuong Lipa Headwaters Council ay gumagawa naman ng mga polisiya o legislative na siyang magiging gabay sa pagpapatupad ng mga gawain para sa kabundukan, habang ang Deputized Forest Officers (Bantay-Gubat) naman ng Mt Malaraya – Malepunyo Watershed Protection Council (MMWPC) naman ang implementing arms o nagpapatupad ng mga batas pangkalikasan sa loob ng reserbasyon.
Ipinabatid naman ng kinatawan mula sa PNP Lipa ang kanilang suporta sa anumang maging hakbangin ng NPC at ng stakeholders ng Lipa City bilang tugon sa natapos na pagsasanay.
Ang nabanggit na pagsasanay ay pinangunahan ng samahang PUSOD Inc at ng City Environment and Natural Resources Office (City ENRO) ng Lipa ay ginanap ang “ Basic Training on Environmental Law Enforcement ” noong nakaraang Agosto 3 – 5, 2011 sa Brgy. Sto. Nino, Lipa City. Dinaluhan ito ng iba’t – ibang “stakeholders” ng Mt. Malarayat tulad ng CT-ENRO, National Power Corporation – Makiling Banahaw (NPC-MakBan), kinatawan ng Lipa Philippine National Police (PNP), mga barangay kapitan at Deputized Forest Officer (DFOs) na sakop ng Mt. Malarayat tulad ng Talisay, Sto. Nino, Malitlit, San Celestino at San Benito.
Ulat ni A. Malubag