Ulat nina Carvelo Malubag
At Robee Ilagan
Lungsod ng Lipa, Batangas- Bagaman at may batas pangkalikasan ay hindi pa rin sapat ang mga ito upang igarantiya na malulutas ang mga suliranin upang maproteksyunan ang Bundok Malarayat.
Dati na itong suliranin ng mga kasapi ng Mt. Malarayat –Malepunyo Watershed Protection Council (MMWPC),isang grupo na inatasan ng National Power Corporation na nagsasagawa ng pagpapatrulya sa bundok Malarayat buwan buwan.
Kaya naman nitong ika-14 ng Oktubre ay sumailalim sa isang palihang paralegal ang mga kasapi ng Malarayat-Malepunyo Watershed Protection Council (MMWPC) at Lipa City Head Water Council (LHWC) upang alamin ang mga batas pangkalikasan at prosesong legal na hakbangin upang pangalagaan ang Bundok Malarayat na deklaradong Forest Reserved Area ayon sa Proclamation 842 nuon pang 1935.
Aminado si Pedro Latorre, Pangulo ng Mt. Malarayat –Malepunyo Watershed Protection Council (MMWPC) na madalas na sa halip na kasuhan ay napapagsabihan na lamang ang mga nahuhuling mga gumagawa ng iligal sa bundok katulad ng pagpuputol ng puno ng walang permiso mula sa ahensya ng pamahalaan at mga nag-uuling. “Hindi pa rin mahigpit ang aming pamamaraan ‘ika nga, santong dasalan ang paraan. Ang katuwiran kasi nila [ng mga nahuhuli] ang dapat hinuhuli ang yung mga magnanakaw.”paliwanag ni Latorre. Buwan-buwan ang ginagawang pagpapatrulya ng mga miyembro ng MMWPC sa pangunguna ng National Power Corporation (Napocor) at ilang miyembro ng barangay at sa mga lakad na ito na tumatagal ng halos anim na oras.
Sa limang barangay na sakop ng Malarayat ang Brgy. Sto.Niño Talisay, San Celestino,San Benito at Malitlit ng Lipa City, Batangas hindi maikakaila ang pagkakaroon ng mahinang implementasyon ng pangangalaga sa kalikasan.
Multi Agency Task sagot sa problema?
Lahat ay kakayanin kung ang lahat ng may kinalaman ay makikialam ayon sa pagpapadaloy ni Glenn Forbes ng samahang Tanggol Kalikasan, Isa aniya sa pinaka-epektibong paraan upang mas mapalakas ang pagpapatupad ng batas ay ang pagkakaisa at ugnayan ng mga barangay . Mas mainam rin aniyang magbuo ng multi agency task para mas lalong malakas ang pwersa laban sa mga iligalista.
Sa pagsasalita ni Forbes, ibinahagi niya ang kanilang istratehiya upang labanan ang talamak na illegal logging sa bundok Sierra Madre. Aniya mga militar,komunidad, NGO’s mga ahensya ng Pamahalaan at simbahan ay magkakatuwang upang bantayan ang mga daanan at tuluyang makakumpiska ng tinayang libo-libong toneladang kahoy na bunga ng iligal na pagpuputol ng puno. Kapag may ugnayan aniya ang bawat isa ay kayang labanan kahit na maiga maiimpluwensyang tao ang nasa likod ng mga iligal na gawain.
Ang paralegal ay seminar/orientation ay isinagawa upang patuloy na pataasin ang kakayahan ng Deputized Forest Officers (DFO) na sa pangunguna ng National Power Corporation ay binuo noong 2005 ”wika ni Jennifer Edrial,Program Officer ng samahang Pusod Inc, na siya ring nangasiwa ng paralegal training.
“Ang mga ganitong gawain ay paraan upang mabahaginan ng kaalaman patungkol sa bagong panuntunan sa Environmental Procedures (New Rules on Environmental Procedures)na ipinalabas ng Korte Suprema at iba pang patungkol sa batas na naangkop sa Kabundukan ng Malarayat”, wika ni Edrial.
Ipinaliwanag ni Edrial na sa malawakang pagtingin, ang nabanggit na pagsasanay umano ay makakatulong upang mapigilan pagkawala ng mga serbisyong ibinibigay ng kabundukan sa mga Lipenyo gaya ng malinis na tubig at hangin, proteksyon sa pagguho ng lupa at baha, at ang pagiging tirahan samu’t saring buhay dahil sa mga illegal na gawain gaya ng pamumutol ng puno sa loob ng reserbasyon, paghuli at pangunguha ng mga hayop at halaman sa kagubatan at ang patuloy na pagpapalit ng gamit ng lupa.
Samantala ipinayo rin ni Forbes napakahalagang alamin kung sino ang environmental prosecutor ng lungsod kung saan maaring ihain ang mga kasong may kinalaman sa kalikasan. Ayon sa talaan na ipinalabas ng Korte Suprema, ang Branch 2 ng Lipa -Regional Trial Court (RTC) ang nakatalaga bilang green court at sa panayam sa telepono,napag-alaman na si Fiscal Butch Escano ang nakatalagang environmental prosecutor ng lungsod.
“Natutuwa ako sa lecture na ito lalo na sa pagkakaisa ng mga barangay ”,dagdag na puna naman ni Latorre
“Ipagpatuloy po sana natin ito katuwang ang Pusod at ang councils (LCHW). sana ay hindi tayo mapagod at isulong natin ang kapakanan ng Mt Malarayat at iprayoridad para sa atin at sa susunod na salinlahi” pahabol pa ni Latorre.
Nangako naman na patuloy na magsusuporta ang tanggapan ng Lipa City Environment & Natural Resources Office sa konserbasyon ng bundok Malarayat. “ Ang pagcoconduct ng training na ito ay akma sa mga barangay na laging sumusuporta sa pangangalaga ng Malarayat.”wika ni Ella Lacorte ng Lipa City ENRO.
ulat nina Arvel Malubag at Robee Ilagan