Ilang siglo na rin ang nakararaan nang unang mamataan ng mga dayuhan ang kahali-halinang taglay na katangian ng isang kapuluan. Una’y nakipagkaibigan sila sa dinatnan nilang mga tao sa lugar na kanilang pinagdaungan. Kalauna’y nakita nila ang malaking pakinabang kung mapapasailalim sa kanilang pamahalaan ang bayang kanilang natagpuan. Sa maikling sabi, sinakop nila ang lugar ng mga nananahimik nating mga kababayan. Lumawig ang kanilang kapangyarihan at lumawak ang kanilang nasasakupan, hanggat sa napasakamay na nila ang kontrol sa buong kapuluan. Sinamantala lamang ang kanilang kahinaan.
Nalalapit na naman ang pagdiriwang ng Araw ng mga Pambansang Bayani. Kung ating babalikan at iisipin ang mga pinagdaanan ng ating mga kababayan sa mahigit 400 taong nagdaan, karamihan sa atin, kung hindi man lahat, ay tiyak na maaantig ang damdamin. Iyon ang mga panahon na naging magulo ang buhay ng nananahimik nating mga kababayan, panahon na tila sila ang naging dayuhan sa kanilang lupang sinilangan. Iyon ang panahon na ang naninirahan at namamahalang mamamayan sa bayang dinatnan ng mga dayuhan ang naging tagasunod at nagsilbi sa mga taong galing sa kung saan na napadpad lamang sa bansang pinagpala ng kabigha-bighaning ganda at kamangha-manghang likas na yaman.
Matinding pagmamalabis ang dinanas nila sa iba, gayunpaman, mayroon ding nag-alay ng kaunting kabutihang-loob bilang kapalit sa lahat ng espesyal na serbisyong kanilang natamasa mula sa ating mga kababayan sa panahon ng kanilang pananakop sa ating bansa.
Mainit at malugod na pagtanggap ang ipinaramdam at ipinakita ng ibang mga mamamayan sa mga dayuhan, ngunit katakut-takot na pagmamalupit pa ang iginanti sa kabila ng lahat. Kaya’t ang iba nama’y natutong lumaban. Nagising ang kanilang isipan na matagal nang naging sunud-sunuran. Naantig ang kanilang puso sa nakikitang pagmamalupit sa ating mga kababayan. Nag-alab ang damdamin sa paghangad ng kalayaan mula sa kamay ng mga taong naghari-harian sa kabila ng pagiging dayo lamang.
Sa pangunguna ng mga nagkalakas ng loob nating mga kababayan, nagkaroon ng iba’t ibang samahan. Nagkaisa sa iisang layunin ang mga magkakahiwalay at magkakalayong isla. Ang kalat-kalat na pulo na bumubuo ng mga lalawigan ay nagkaroon ng kanya-kanyang mga lider sa pakikidigma. Nag-umpisa sa mga maliitang pag-aaklas mula sa iba’t ibang panig ng kapuluan hanggang sa dumami ang mga miyembro at humantong sa malawakang pag-aalsa sa magkakahiwalay na bahagi ng bansa. Maraming himagsikan ang madaling nabuwag at napabagsak, ngunit mayroong tumagal ng ilang dekada bago nagapi ng mga kalaban.
Katangi-tanging kabayanihan ang ipinakita ng ating mga kababayan na sa huli’y tayo ang nakinabang ng “kalayaang” kanilang ipinaglaban. Sa panahon nila ay matinding hirap ang kanilang pinagdaanan at iyon ang ayaw nilang maranasan ng susunod na henerasyon. Hindi matatawarang hirap ang kanilang dinanas sa paglalayong pamanahan tayo ng kalayaan at ginhawa. Ginawa nila ang lahat upang ang anak ng kanilang mga anak ay hindi na maging alipin sa sarili nilang bayan. Mula sa unang pananakop ng mga dayuhan, inabot ng halos apat na siglo bago tuluyang naging malaya ang pinakamamahal nating bayan. Sangkatutak na buhay, dugo’t pawis at luha ang naging kapalit ng kalayaang kanilang nakamit. Mahigit isang siglo na rin nating tinatamasa ang magandang kinahinatnan ng malagim na kasaysayan ng mga himagsikan.
Kapamilya, sa kasalukuyan, hindi ba natin napapansin na tayong mga maliliit na mamamayan ay bumalik sa pagiging alipin? Ang masakit, sa pagkakataong ito, sarili nating mga kababayan ang ating mga among pinagsisilbihan. Mga among mas gutom na gutom sa kapangyarihan at mas mabagsik pa sa pagsira sa lipunan kumpara sa mga dayuhang sumakop sa atin sa 400 taong nagdaan. Hindi napapansin ng karamihan na unti-unti nila tayong inuulam. Dugo’t pawis natin ang kanilang ikinabubuhay. Kung wala tayo hindi nila mararanasan ang buhay na ngayo’y kanilang tinatamasa. Animo’y kinakain nila tayo nang buhay. Kung sa nakaraan, matindi ang pagkagahaman ng mga prayle, ngayon malayong mas malupit ang mga buwaya sa ating lipunan sapagkat sila ay walang kakuntentuhan… wala silang kabusugan.
Sa nakaraan, nabihag ang bansang Pilipinas ngunit nakalaya matapos ang madugong pakikipaglaban. Ngayon, binihag muli ang dating lumaya nating mahal na bayan. Kabayan, hindi lang ako, kundi ikaw din… lahat tayo… bihag tayong lahat ng kung sino ang nasa kapangyarihan, bihag tayo ng mga taong pinaghaharian ng kasakiman… mga personalidad na walang takot magsagawa ng katiwalian sa gobyernong kanilang pinamamahalaan… mga pinunong hindi makatao at hindi makabayan… mga oportunistang nagkaroon ng puwesto sa pamahalaan.
Sa panahon natin ngayon mayroon pa kayang magkakalakas ng loob na magpamalas ng kagitingang gaya nang ipinakita ng ating mga bayani sa nakaraan upang matamo nating muli ang dating nakamit nating kalayaan?