PNS — Maikli lang ang sagot ni Kris Aquino nang i-text namin kahapon para kunan ng reaksyon hinggil sa naging statement ng asawa niyang si James Yap, kung saan ay sinabi ng basketbolista na ipaglalaban niya ang kanyang pamilya.
“No reaction. Ate Vinia, I prefer to keep my dignified silence,” pahayag ni Kris sa text message na ipinadala sa amin.
Matatandaang nagsalita si Kris sa The Buzz last Sunday at sinabing suko na siya. Kasalukuyan na raw inaayos ang legal na aspeto ng kanilang pagsasama ni James.
Sa nasabing panayam, hindi na idinetalye pa ng actress-TV host kung ano ang problema nilang mag-asawa, alang-alang sa anak nilang si Baby James.
Up to now, pinaninindigan ni Kris ang desisyong ito and we presume na as of press time, wala pang bagong development as far as her feelings are concerned since wala pa siyang bagong statement.
Samantala, narito naman ang kabuuan ng statement ni James na ipinadala sa media last Thursday:
“Kilala niyo po naman ako. Tahimik at simple lang akong tao. Tingin ko rin, itong lahat na issues na naglalabasan, siguro dapat kami na lang mag-asawa ang mag-aayos in private.
“Ever since naman, never niyo akong naringgan ng kung anu-ano tungkol sa relasyon namin ni Kris. Kaya konti lang ang gusto kong sabihin.
“Naniniwala ako sa kahalagahan ng pagkakaroon ng buong pamilya. Kaya ipaglalaban ko na mapanatiling buo ang pamilya namin ni Kris anuman ang mangyari. Alam ko, walang pamilyang hindi dumaan sa ganitong pagsubok.
“Marami na kaming dinaanang pagsubok ni Kris before and I don’t think na ngayon pa kami susuko. Gusto ko talagang i-save ang pagsasama namin dahil siyempre, may anak kami at hindi biro ang halos anim na taon naming pagsasama.
“Umaasa pa rin ako na darating ang tamang panahon na maaayos ang lahat.
“Marami nang lumabas na mga balita at mas pinili ko na manahimik muna bilang paggalang sa ating bagong Presidente Noynoy Aquino.
“May nagtatanong din tungkol sa hindi ko pagsipot sa inauguration ni President Noynoy Aquino. Nagkausap kami at nag-text ako kay President Noynoy at naiintindihan niya ako.
“Ayokong makadagdag pa sa napakalaking problema na kakaharapin niya bilang bagong presidente ng ating bansa.
“At isa pa, nangako ako kay Mom Cory na hindi ko pababayaan ang pamilya namin. Na aalagaan ko si Kris, si Josh at si Baby James. Nangako rin kami ni Kris sa harap ni Mom Cory na hindi kami maghihiwalay.
“Alam kong mahirap para sa anak ko ang nangyayaring ito sa amin ng Mama niya pero alam kong darating ang panahon na maiintindihan niya ang sitwasyon. May tamang oras at panahon ang lahat.
“Baby James, ginagawa ko ito dahil sa pagmamahal ko sa pamilya natin. Gusto kong mapanatiling buo ang pamilya natin.
“Kris, marami na tayong pinagdaanan na mas mabigat na problema pa rito pero hindi talaga ako bumitaw.
“Nanahimik ako palagi bilang respeto sa pamilya natin na hanggang sa ngayon ay gusto ko pa ring manatiling buo.
“Mahal na mahal ko kayo ng anak ko, pati na si Josh na tunay na anak na ang turing ko.
“Inuulit ko, it’s final, ipaglalaban ko ang pagsasama ng pamilya natin. At sa tulong ng Diyos, alam kong malalampasan natin ang pagsubok na ito!”