Nitong nagdaang dekada lamang tila nabuksan ang aking isipan at damdaming pagkabahala sa mga nangyayari sa ating lipunan. Hindi na gaya ng dati noong ako’y nasa murang edad pa lamang na ang iniisip ay puro paglalaro at kasiyahan— panahong hindi ko pa naiintindihan ang mga salitang responsibilidad at obligasyon kaya naroon pa rin ang kawalan ng pakialam sa mga nangyayari sa aking kapaligiran.
Sa pagkabukas ng aking isipan sa mga bagong kaalaman at pagkamulat ko sa iba’t-ibang mga bagay na ganap ko nang naiintindihan, napagtanto ko na ang bawat mamamayan pala ay may kanya-kanyang pinanghahawakang mahalagang tungkulin; hindi lamang para sa sarili o pamilya, kundi para sa bayan din.
Sa mga nagdaang administrasyon, nasaksihan ko ang iba’t ibang grupo ng ating mga kababayan na nagsagawa ng mga demostrasyon kung saan iisa lamang ang kanilang inisigaw. Ito ay tungkol sa hindi kalugud-lugod na serbisyo ng mga napiling maluklok sa kani-kanilang mga puwesto at mabigyan ng kapangyarihang mamahala sa ating gobyerno.
Naiintindihan ko na ngayon na hindi pala walang kwentang ingay ang naririnig mula sa mga kababayan nating nagsisisigaw sa lansangan. Nauunawaan ko na ngayon na ang mga boses pala nila ay may makabuluhang ipinaglalaban.
Wala man tayong kinalaman sa mga anomalyang nangyayari sa pamahalaan; hindi man tayo nakikinabang sa mga ginagawa nilang kabuhayan mula sa maling mga pamamaraan, nakalulungkot isipin na ang masasamang epekto ng mga ito ay nagiging pasanin ng bawat mamamayan. Tila isang lason na inilagay sa pagkaing inihain at pagsasaluhan ng lahat kung saan ang pinakamaliit o pinakamahina ang siyang unang tatamaan at unang mamamatay. Ang mga taong maliliit o mahihina ay ang ating mga kababayan na salat sa buhay. Sila ang mga walang sapat na salapi upang mabili ang napakamahal na sa ngayon na “kalusugan”. Hindi ba’t totoo naman?! Sa panahon ngayon, kung wala kang pera, hindi ba’t hindi ka na makakabili ng masustansiya at malinis na pagkain; hindi ka makakabili ng iba pang mga pangunahing pangangailangan upang mapangalagaan ng mas maayos ang iyong kalusugan tulad ng mga kasuotang gagamiting proteksiyon ng ating katawan sa panahon ng taglamig o tag-ulan, o kaya sapat na salapi upang makagawa ng simple at ligtas na masisilungan. At kapag ikaw ay magkasakit at wala kang pera, wala kang maaasahan na libreng ospital na tatanggap sa iyo o kahit kagawaran ng pamahalaan na tutulong para sa paggaling mo. Kaya sa lason na pinagsasaluhan ng lahat, tiyak na matitira ang mga taong malalakas—mga taong nasa posisyon; mga taong humahakot ng limpak-limpak na salapi mula sa kaban ng bayan at kayang bumili ng kahit gaano kamahal na mga mahahalagang kagamitan na makapagbibigay proteksiyon sa kanila. Gayundin sa kahit gaano kamahal na mga pagkain na makapagpapanatili ng mabuting kalusugan. Sila ang mga taong nagsasamantala sa kahinaan at kamangmangan ng kanilang kapwa, mga taong nakikinabang sa pinaghirapan ng iba, at nabubuhay nang saganang-sagana habang ang mga biktima nila ay nahihirapan at unti-unting namamatay. Sila ang mga taong nagpapakalunod sa mga materyal na bagay na hindi nila pinagpaguran. Samantala, napakarami sa atin ang walang-wala, salat sa anumang gamit at ang iba’y wala man lang masilungan kaya pakalat-kalat na lang sa lansangan. At marami din sa atin ang nakakatulugan na lamang ang kumakalam na sikmura. Isa, dalawa o tatlo ang nagpapakasaya sa kaban ng bayan, samanatalang milyon-milyong pamilya ang nananatiling kawawa at lalong nababaon sa kahirapan.
Namimili tayo ng mga kapatid nating mamumuno sa ating bansa. Ngunit kadalasan, sila na inasahan nating manguna at maging huwaran tungo sa pagkakaisa ay silang nangunguna sa mga gawaing hindi maganda. Sila ang nagpapalala sa lumalaganap nang pagkakanya-kanya. Halos lahat sa kanila ay nasa mataas na posisyon sa administrasyon. Sila ang mga taong pinagkatiwalaan at inasahang aayos sa mga problemang panlipunan. Sila ang inasahang manguna sa pagsasagawa ng mga hakbangin upang mapigilan man lang sana ang unti-unti nang nawawasak na pagkakapatiran. Subalit taliwas sa ating mga inakala, sila pala ay dadagdag lang sa problema at magdudulot ng mas malaking panganib ng lalong pagkasira at pagbagsak ng ating bansa.
Sa pag-upo ng mga bagong mamumuno na inihalal ng mamamayan, muling magigising ang ilang taong nahimbing sa pagkatulog na damdamin—ang pag-asang magkaroon ng pagbabagong magdudulot ng pangkalahatang kaunlaran.
Ito’y isang malaking hamon sa bagong administrasyon. Sila na nga ba ang matagal nang pinakahihintay ng ating mahal na Pilipinas upang luwagan ang tanikalang pahigpit nang pahigpit na nakagapos sa kanya na siyang dahilan ng labis niyang paghihirap? Sila na nga ba ang matagal na niyang inaabangan na aakay sa kanya mula sa dilim patungo sa liwanag? Sila na nga ba ang magpapalaya sa kanya sa patindi nang patinding bangungot na kanyang pinagdaraanan?
……………SANA’Y SILA NA NGA.