Ulat ni Arvel Malubag
LUNGSOD NG LIPA- Kahit may pagbabago sa anyo ng kagubatan ng bundok Malarayat ay may mga naitalang mga buhay- ilang dito.
Ito ang resulta ng Biodiversity Expediton na isinagawa ng mga eksperto sa barangay Talisay at Sto. Niño na nakakasakop sa nabanggit na bundok. Ang pananaliksik ay tumagal ng siyam na araw simula noong Ika-22 ng Pebrero hanggang Ika-2 ng Marso.
Bahagi sa nasabing pananaliksik ang paglalagay ng mga patibong para sa mga palaka, ibon, langgam, paniki at ibat-iba pang hayop upang mabilang at maitala kung ilan ang uri nila na matatagpuan sa Bundok Malarayat.
Sa pangunguna ni Dr. Arvin Diesmos, isang herpetologist, ang grupo ay nakapagtala ng tinatayang 40 ibat-ibang uri ng ibon kabilang ang makukulay na ibong tariktik at rufuos paradise. Bukod sa ahas, alamid (civet cat), dagang buot (cloudrat), labuyo (jungle fowl) ay may mga naitala rin na mga ibat-ibang uring butiki palaka, langgam, shell, isda, katang at limang uri ng paniki .
Sa obserbasyon ni Diesmos ay nakakaangkop na diumano ang mga hayop at ibon sa gambala o istorbong likha ng mga tao katulad ng pangangaso, pangangahoy, pamumulot o pag-aani ng mga bungang-kahoy. Ayon kay Diesmos, sa halos magkapareho ng lebel ng taas ng bundok kung saan madalas nagaganap ang mga paggambala ay may mga nakikita pa rin aniyang mga hayop at ibon.
Ayon kay Jennifer Edrial, Project Officer ng samahang Pusod Incorporated ang Biodiversity expediton ay may layong maitala ang mga buhay-ilang, mga hayop at halaman na naninirahan sa kabundukan ng Malarayat upang bukod sa tubig na ibinibigay ng Malarayat ay malaman din kung ano pa ang mga may buhay na sinusuportahan ng ekosistema sa Bundok ng Malarayat. “Ang data na makukuha ay para mapangalagaan ang mga flora and fauna ng Malarayat at maging katuwang ang mga mamamayan ng mga pilot brgys. sa pangangalaga nito” ani Edrial.
Pagdami ng mga puno ng kape at lanzonez may banta sa mga buhay –ilang?
Ang pagtatanim ng puno ng kape ay tradisyonal na hanapbuhay ng mga Batanguenyo ngunit ang pagdami nito pati ang iba pang puno katulad ng lanzones sa kataasang bahagi ng bundok ay posibleng nakaapekto sa iba pang species sa bundok.
“Posibleng may mga iba pang species ang naapektuhan o nawala sa pagdami ng mg puno ng kape at lanzonez sa bundok “, pananaw ni Arturo Manamtam,isang wildlife biologist. Kalat na kasi sila kaitaasan ng bundok ang mga at halos bumuo na ng sariling gubat. Ayon kay Manamtam ang mga nasabing puno ay hindi orihinal na punongkahoy sa gubat. Suhestyon din ng biologist na may isang aniyang institusyon na magsagawa ng pag-aaral kung may epekto ba sa ekolohiya ng bundok ang pagdami ng lanzones partikular ang puno ng kape.
Potensyal sa turismo
Malaki ang potensyal ng Malarayat na maging birdwatching site ayon kay Rolly Urriza, isang Ornithologist, kumpara aniya sa iba na halos nasa mas mataas na bahagi ng kabundukan bago masilayan ang mga ibon sa anim na daang talampakan aniya ng Malarayat ay may makikita ng tariktik at manuk-manok. Pangamba ni Urriza na maaring maubos din ang ibon sa bundok kung hindi makokontrol ang pamamaril sa mga ito.
Sa kabila ng mahigpit na ipnagbabawal ng batas ang pangangaso sa mga kagubatan ay patuloy pa rin na may mga gumagawa nito. Ayon kay Roger Salas, Forest Ranger ng DENR-Batangas na maaari aniyang dalhin sa kanilang tanggapan ang mga mahuhuling nangangaso sa bundok. Sa panayam sa telepono, aminado si Salas na hindi sapat ang bilang na labing-isang mga forest ranger na nakatalaga sa DENR- Batangas upang matutukan sa pagbabantay ang buong lalawigan kung saan tatlo aniya ang itinalagang magbantay para sa Bundok Malarayat.
Ang Biodiversity Assessment ay bahagi ng research expedition na isinasagawa sa ilalim ng Proyekto ng Pusod Inc. na sinusuportahan ng Philippine Tropical Forest Conservation Foundation (PTFCF), isang non-government organization na sumusuporta sa mga naglalayong mapangalagaan ang mga tubig-tinggalan sa ating bansa. Ito ay may pahintulot mula sa tanggapan ng DENR- Region IV-A.
Habang isinusulat ang balitang ito ay magsasagawa rin ng pagsasaliksik tungkol sa mga punongkahoy at halaman sa Bundok Malarayat.
Ang Bundok ng Malarayat ay deklaradong Forest Reserve ayon sa Proclamation 842, ang bulubundukin ng Malarayat ay dapat protektahan dahil ito ay tubig-tinggalan na siyang pinagmumulan ng tubig ng Lipa, Balete, Malvar, lungsod ng Tanauan, San Jose at bahagi ng Makiling-Banahaw watershed.