ulat ni Arvel L. Malubag
LUNGSOD NG SAN CARLOS, Negros Occidental- Buwan-buwan, nagbabayad ng karagdagang piso kada kubiko metrong nakukunsumong tubig ang mga kunsumidores upang suportahan ang pagpapanumbalik ng tubig-kanlungan ng nabanggit na lungsod
Ito ang isa sa mga mahahalagang napag-aralan ng mga kasapi ng Lipa City Headwater Councils na naglakbay-aral ng tatlong araw sa nasabing lungsod noong ika- 2 hanggang ika-apat ng Disyembre nitong nakaraang taon.
Sa naganap na lakbay-aral ibinahagi ni Anacleto Villarante. Executive Director ng samahang San Carlos Development Board Inc (SCDBI) isang multi sector na Non Government Organization ang sistema ng water levy mula sa mga kunsumidores ng tubig ng kanilang lungsod. Sa bawat kubiko metro aniya ay nagbabayad ng karagdagang piso ang bawat kunsumidores para sa pangangalaga ng watershed na may sukat na 5,017 ektarya, Isa aniyang malaking hamon ang kanilang ginagampanan upang makatulong sa pagpapalawak ng kagubatan ng Negros na na tinatayang limang porsyento na lamang ang natitirang gubat. Malaki aniya ang suporta ng pamahalaang lungsod ng San Carlos sa kanilang proyekto, Katunayan aniya ay may 15 taon( 2004- 2019) silang kasunduan na ang SDBI ang mamahala ng nakokolekta mula sa water levy na yon na rin sa ordinansa bilang Ordinance No. 37 for the Water Levy Fund as amended by Ordinance 07-06. Sa kasalukyan ay tinatayan 5 milyong piso o isang milyon kada taon ang pumapasok sa trust fund ng SCDB. Ang nasabing koleksyon ay ginugugol para sa mga pagmiminitina ng nursery at iba pang gastusin sa pagtatanim ng mga seedlings nila.
Matagal na proseso?
Samantala sa pananaw ni Ma. Catherine Manguiat ng Metro Lipa Water Distict, matagal umanong talakayan at proseso ang pagdadaanan kung magpapataw ng karagdagang pisong sa bawat metro kubikong makukunsumo ng mga kunsomidores. May ipinapataw na aniyang sampung pisong kabayaran bilang Environmental Managament Fee (EMF) sa ng bawat kunsumidores ng MLWD. Ito aniya ay kinokolekta kada buwan at isinusulong sa pamahalaang lungsod ayon na rin sa ordinansa.kung saan ang kalahati ng sampung piso (limang piso) ay ibinabalik din sa mga brgy na kanilang sineserbisyuhan. Sampung kubiko metro ang minimum na sinisinigil MLWD sa mga kunsumidores at sa tinatayang 40 libong kunsumidores ay tiyak na ang 400 libong piso kada buwan o 4.8 milyon taun-taon ang magiging pondo para sa pangangalaga ng tubig-tinggalan ng bundok Malarayat kung sakaling ipatupad din ito sa lungsod ng Lipa.
Ayon naman kay Fe Peña ng Lipa City Planning & Development Office ay sa pagpapatupad pa lamang aniya ng Ecological Solid Waste Management Act of 2000 ay hindi sapat ang limang pisong kabahagi ng pamahalaang lungsod mula sa EMF na nagkakahalaga ng apat na milyong piso ngayong taon.. Paliwanag ni Peña ngayong taon din ay umaabot sa halagang 17 milyon ang ginugugol ng pamahalaang lungsod sa pagpapatupad ng Ecological Solid Waste Management. Abonado pa kami ng 13 milllion pesos”wika ni Pena sa panayam sa telepono. Hindi aniya ganoon kadaling magpataw ng karagdagang piso katulad ng ipinapatupad ng SCDBI. “ Magkakaroon pa iyan malawakang kunsultasyon at public hearing kailangan kasing may public acceptance iyan bago maipatupad”ani Pena. Bukod aniya sa bundok Malarayat ay nagsasagawa rin umano ng treeplanting sa kagubatan ng brgy Halang,Duhatan at Bulaklakan ng lungsod ng Lipa.
Pero kung ang negosyanteng si Louie Henson ang tatanungin,”Bakit naman hindi para naman man sa kalikasan iyon at tayo ang makikinabang, Napapanahon nga dapat iyan dahil sa issue ng global warming”wika ni Henson na taga brgy. San Carlos, ng Lipa. Ayon kay Henson tinatayang aabot sa apat na daan ang binabayaran niya kada buwan sa MLWD, at nang tanungin siya ukol sa kinakaltas na 10 piso bilang bayad sa Environmental Management Fee, “problema pa rin ang basura laluna sa amin dun sa San Carlos”ani Henson.
Samantala naniniwala si Eleneo Mea ng brgy kapitan ng Sto Niño,lungsod ng Lipa na malaki na ang ipinagbago ng suplay ng tubig sa kanilang brgy noong nagsagawa ng mga serye ng
pagtatanim sa kabundukan ng Malarayat. Danas na aniya ang kakapusan ng suplay ng tubig nooong hindi pa nabubuo ang Lipa City Head Water Council “ Noong araw na hindi napapagtutuunan masayado ng pansin ang pagti-treeplanting ay hirap na hirap kami sa suplay ng tubig tuwing tag-araw “wika ni Mea. Ngayon, sa lakas ng pressure ng tubig na nanggagaling sa Malarayat ay may pagkakataong kaya nitong makasira ng tubo” ani Mea.
Itinuturing na isang Forest Reserve ang Bundok ng Malarayat, ayon sa Proclamation 842, ang bahagi ng bulubundukin ng Malarayat ay dapat protektahan dahil ito ay tubig-tinggalan na siyang pinagmumulan ng tubig ng Lipa, Balete, Malvar, lungsod ng Tanauan, San Jose at bahagi ng Makiling-Banahaw watershed. Sa nasabing bundok matatagpuan ang pinakamalaking deposito ng tubig na pinagkukunan ng may 40 libong pamilyang Lipeño at mga karatig bayan at lungsod, ayon sa datos ng MLWD.
Ang Lipa City Head Water Council ay kinabibilangan ng Mayor’s Office, City Agriculture Office, City Engineering Office, City Assessor’s Office, City Environment and Natural Resources Office, City Planning and Development Office, Brgy Chairman ng Talisay, Sto Niño at Malitlit, Sangguniang Panlungsod, at Pusod Inc. Ito ay binuo noong 2007, sa bisa ng Sangguniang Panglungsod Special Ordinance Blg 53-2007.