MANILA, March 30 (PNA) – As followers of Jesus Christ, President Benigno S. Aquino III said on Monday the Filipino people should be truthful not only with their words but with their works.
In his Lenten message, President Aquino said through sharing, unity and guidance and love of the Lord Jesus Christ, the Filipinos will be blessed with valuable future.
Here’s the complete text of the President’s message:
Tuwing Semana Santa, hinihimok tayong pagnilayan ang walang-hanggang pagmamahal ng Panginoon, ang pagmamahal na dumaig sa pang-aalipusta, nagwaksi ng tukso, at di-inalintana ang pagdurusa, upang isalba sa kasalanan ang sanlibutan.
Isipin po ninyo: Sa kabila ng lubos na kapangyarihang iligtas ang sarili sa kapahamakan, pinili ni Hesukristong magpakumbaba bilang tao, at ialay ang sariling buhay. Pinasan niya ang matinding kalbaryo upang maging bukal ng kaligtasan, at ilapit tayo sa Kaharian ng Diyos-Ama. Ayon nga po sa Aklat ni San Juan, Kapitulo 3, Bersikulo 16: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Ito nga po ang nagsisilbi nating gabay sa pagtataguyod ng bansang nakatuon hindi lang sa kapakanan ng mga Pilipino ngayon kundi maging ng mga susunod pang henerasyon. Tinatawag tayong gawin ang lahat ng ating makakaya, upang maipamana ang isang lipunan na inuuna ang interes ng nakakarami bago ang sarili.
Gaya ng iniwang aral sa atin ni Santo Papa Francisco nang bumisita siya sa ating bansa, nakikita ang bakas ng presensya ng Panginoon sa pag-aalay ng habag at malasakit sa kapwa, lalo na sa mas nangangailangan. Makakaasa po kayo: Sa tuwid na daan, maigting nating sinusulong ang pagtatakwil sa anumang anyo ng katiwalian upang ihatid ang agarang benepisyo sa ating mga kababayan.
Ang hamon nga sa atin bilang mga tagasunod ni Hesukristo: Tumotoo tayo hindi lang sa salita, kung hindi sa gawa. Sa patuloy nating ambagan at pagkakaisa, sa gabay at pagmamahal ng Panginoon, tiyak na pagpapalain tayo ng kinabukasang tunay na makabuluhan sa bawat isa.
Isang mapayapa at makabuluhang Mahal na Araw po sa ating lahat. (PNA)