Mga Doktor at MedTech, Pinapayaman at Sinusuyo
Hindi ito masyadong binibigyang pansin, ngunit ito’y isang bagay na dapat ng palakihin dahil sa di maganda nitong nadudulot. Mga medical representatives or medrep ang mga kadalasang nasa ospital na makikita mong nanliligaw sa mga doktor na piliin ang produkto nilang gamot at ito ang ireseta sa kanilang mga pasyente. Ang mga doktor dahil sa kanilang posisyon, ay kadalasang natutuksong humingi ng kapalit. Ang mga kompanya naman ng mga medrep ay kinukunsinte ang mga kahilingan ng doktor upang makabenta.
Isa ng kadalasang gawain ay ang paglalabas sa mga doktor at sinasamahan sila kumain sa mamahaling mga kainan, sinasama sa mga bar at KTV, sinasama sa mga out of town at out of country na bakasyon at inaalok ng iba pang regalo at serbisyo. Nakakaawa ang mga medrep na kadalasa’y kababaihan, na tila ibinubugaw ng kanilang mga katrabaho kung sila ay natitipuhan ng isang doktor. Para makabenta ng gamot at mahawakan lahat ng benta sa isang ospital, napipilitan ang mga medrep na suyuin ang mga doktor.
Kung ang dating kagawian na pagbibigay ng regalo sa mga suki, masyado atang sumobra ang pagtrato at pag “Sales Talk” ng mga kumpanya sa mga doktor. Kotse, trip abroad at malamang ay mga “one night stand” ang mga naiaalok sa mga doktor ngayon ng mga kumpanya. Hindi na pagalingan ng gamot at pagandahan ng resulta sa pag gamit ng gamot ang ginagawang bentahan ngayon. Palakihan na ng maiaalok na suhol. Pagandahan ng medrep ng mag-aalok. Kapareha din na sitwasyon nito ang mga medrep na nagbebenta ng mga diagnostic equipment at re-agents na mga medtech naman ang sinusuyo.
May diskriminisasyon sa pagtanggap ng trabaho, dahil mga bata, sexy at magaganda ang mga kadalasang kinukuhang medrep. Tumataas ang presyo ng gamot dahil dito nila binabawi ang nagastos nila sa mga doktor. Laganap ang sekswal na harassment sa mga medrep dahil sa pinapairal ng doktor na kapangyarihan.
Ilan ito sa mga problema ng medrep. Sana ay matugunan ito ng DOH at ng tamang awtoridad at maimbistigahan ang mga ito. Dapat ay magkaron ng memo o guidelines ang mga kumpanya ng pharmaceutical at diagnostics na magkaron naman ng prinsipyo at ethics sa pagbebenta. Wag gumamit ng dirty tactics at suhol. Wag palakihan ng maiaalok. At di dapat tinuturing na tila babaeng laging liniligawan ang mga doktor. Dahil di nakikita ang galing ng produkto sa kahit ano pa mang suhol o landi na dapat gawin.