Likha at titik ni Ka Noel Malicdem
“Batu- bato sa langit ang tamaan huwag magalit!”
Sa mga taong walang magawa kundi ang maghimagsik
Sa bayang puro na lang hinanakit at pasakit
Politikong wala nang ginawa kundi ang sumipsip
Sa buwis ng masa na halos sira na ang pag-iisip.
Parang di na naiba ang mga mukha sa kalsada
Sumisigaw ng pagbabago tunay na demokrasya
Pero sa mismo nilang bakuran mas malala pa ang problema
Nandamay pa ng masa gamit ang nakaputing huwad ang pananampalataya
Buong bansa biktima ng mga maling haka-haka.
Wala akong pinapanigan dahil ito’y isang usaping politika
Upang mailuklok muli ang mga taong makakatulong sa kanila
Ibaon muli ang bansa sa hirap at huwad na paglaya
Kinasangkapan ang militar gamit ang pondo ng masa
Gamit ang kalye EDSA upang humikayat sa bulag na masa.
Di na nga kakaiba ang sigaw na reporma
Napatalsik na ang diktadurya ayaw naman sa bagong sistema
Doon sa kalye ang punta pag may hinaing sa politika
Meron namang kongreso, senado at kagawaran ng hustisya
Malinaw na ang hangarin patalsikin ang kasalukuyang namamahala.
Kaliwa’t kanan ang nakikita kong pag-aalsa
Di ko naman maintindihan kung ano ang layunin nila
Sigaw ay pagbabago di naman para sa bansa
Kundi ang mabago ang kasalukuyang puwesto nila
Di nila alam sila ang ugat sa kasalukuyang kalagayan ng bansa.
Isa lang akong saksi sa mga pangyayari sa ating bansa
Paulit-ulit na lang wala pa ring tunay na reporma
Ako’y umalis na ng bansa makatulong lang sa ekonomiya
Mapadpad sa bansang masahol pa sa paghihirap ang nadama
Ngunit kinalimutan mabigyan lang ng konting karangyaan ang pamilya.
Umaasa pa rin akong may pagbabago ang ating bansa
Dahil di naman sa namamahala and tunay na reporma
Kundi sa kapwa Pilipino magsimula ang disiplina
Huwag palinlang sa politikong habol lang ay kaban ng bansa
Gamit ang diwa ng EDSA sa maling pakikibaka.
Ang panalangin ko lang tayo ay magkaisa
Isulong ang tunay na demokrasya sa paraang mapayapa
Upang ang kagaya ko di na umalis pa ng bansa
Tumulong sa kaunlaran at tuwid na pamamahala
Kapwa Pilipino kaya nating magkaisa!