Isang malakas na eksplosyon ang gumising sa akin at sa aking asawa habang natutulog kami sa loob ng bahay sa kalagitnaan ng gabi. Unang gabi namin ‘yon sa Cambodia, ang bayan kung saan kami maninirahan sa susunod na anim na taon. Natakot kami at akala namin ay may giyera na naman dito sa aming ampong bayan. Ang mabuting balita ay walang giyera. Ang masamang balita naman ay pumutok ang tubo ng tubig sa bahay namin at sa maikling sandali lamang ay bumabaha na sa aming garahe. Kaagad naming tinawagan ang aming landlord na dumating naman kahit kalagitnaan ng gabi kasama ang kanyang inhinyero.
Habang inaayos ng inhinyero ang tubo, magalak naman kaming kinokonsole ng landlord na wag mag-alala dahil ang inhinyero ay “Good! Good! Study abroad!” Natuwa naman kami dito at inakalang maaayos kaagad ang tubo. Pagkatapos ng ilang minuto lamang, dumating ang inhinyero at nakangisi, “Noh prohblem! Noh prohblem! Pipe fixed!”
“Are you sure it’s fixed?” sabat naman ng aking asawa. “The pipe looks really old and it may burst again.”
“Oh, noh prohblem,” ulit nanaman ng inhinyero. “Very strong. I put this.” At naglabas siya ng isang maliit na tubo ng… Mighty Bond! Acheche! MIGHTY BOND?! At wala pang isang minuto ay pumutok nanaman ang tubo at umagos ang malakas na tubig.
Hindi lang ‘yan ang problema namin sa plumbing. Pag umulan at bumaha sa labas, bumabaha din ang aming inodoro at bathtub (walang shower kasi dito… bathtub lang kaya’t naliligo kami ng nakaupo). Nakakadiri kung isipin mong saan kaya galing yung bahang ‘yon. Mabilis pa naman bumaha dito kahit kaunting ulan lang dahil hindi maganda ang drainage system.
Ano ba itong bansang ‘to? Nasa abrod nga kami, pero mas mahirap naman sa Pilipinas ang napuntahan namin? Kung sa atin, tubero lang siguro, maaayos na ang problema. Hindi na kailangan ng inhinyerong nag-aral pa sa ibang bansa. Bakit ba’t hindi kami sa Amerika napadpadpad? Para makakain man lang kami sa McDonald’s paminsan-minsan o kaya ay makakita ng isnow?
Ngunit dito kami pinapunta ng pamahalaan at kailangan naming maging mabubuting kawani. At dito nga kami pumunta. Dito sa Cambodia – kung saan ang trapik ay mas malala pa kaysa sa Maynila (sa tingin mo imposible? Punta ka dito at subukan mong magmaneho!) sapagkat kahit saang direksyon nanggagaling ang mga sarisaring sasakyan katulad ng kotse, motorsiklo, bus, cyclo, Honda Trendy, oxcarts, at roller blades. Dito sa Cambodia – kung saan bawal magkasakit dahil ang mga duktor sa ospital ay mga pharmacist lang paminsan, at kung saan ang mga ospital ay nagsasara pagka weekend o kaya’y holiday, at kung saan walang nars para magpapaligo sa mga pasyente. Dito sa Cambodia – kung saan pag gusto mong ipaayos ang iyong cellphone sa Nokia Center ay nagpi-picture-taking muna ang mga empleyado gamit ang iyong cellphone. Dito sa Cambodia – kung saan hindi ka pwedeng umihi sa tabi ng kalye (katulad ng ginagawa ng mga Pinoy sa Pilipinas) dahil baka ka mapaputukan ng landmine. Dito sa Cambodia – kung saan tatlo lang ang ATM. Dito sa Cambodia – kung saan walang Megamall at Glorietta. Dito sa Cambodia – kung saan ang mga sinehan ay panay Thai horror lang ang pinapalabas at kailangan mong magdala ng sarili mong upuan. Dito sa Cambodia – kung saan kailangan ng assistant ang mga gumagamit ng escalator upang makatapak ng mabuti. Dito sa Cambodia – kung saan de-numero ang mga bahay at kalye, ngunit hindi sunod-sunod ang bilang. Dito sa Cambodia, kung saan walang bulkan, lindol, bagyo, at iba pang disaster kundi giyera at biyolenteng digmaan lang naman. Dito sa Cambodia, kung saan ang batas ay ang mayaman at maniwala ka, mas mayaman sa’yo ang mga mayayamang Cambodian dito… at alam nila ito.
Ngunit dito sa Cambodia, mas lalo kong minahal at pinagmamalaki ang Pilipinas. Sapagkat dito sa Cambodia, malaki ang natulong ng mga Pilipino sa pag-unlad at kapayapaan ng bansa, lalung-lalo na noong 1990s noong kasama sila sa UNTAC (UN Transitional Authority Commission) bilang mga peacekeeper at NGO worker pagkatapos ng ilang dekadang giyera sa bansa. Dito sa Cambodia, tinitingala ang mga Pilipino dahil patuloy na tumutlong ang mga Pilipino sa kaunlaran ng bansa sa pagtatrabaho bilang mga doktor at nars (para lang sa mahirap at hindi sa ospital kung saan nagbabayad), NGO workers, inhinyero, guro, misyonaryo, mga manager sa hotel, at iba pa. Dito sa Cambodia, walang DH na OFW sapagkat ang mga Pilipino dito ang kumukuha ng mga katulong nilang Khmer. Dito sa Cambodia, ang pinakamagaling na kumanta ng Cambodian National Anthem ay ang Koro Filipino (totoo ito sapagkat sinabi mismo ng kanilang Foreign Minister). Dito sa Cambodia, ang paboritong awit ng dating hari ay Dahil sa Iyo. Dito sa Cambodia, pag sasabihin mo sa Khmer na ikaw ay Pilipino, ang kanilang sagot ay “Pheeeleeepeen Pheeleepeen, very good!” (wag lang sana kasing very good ng Mighty Bond). Dito sa Cambodia, kung saan ang paborito ng mga Cambodian na artista ay sina Jericho Rosales at Kristine Hermosa (pinalapabas ang “em>Pangako sa Iyo dito na naka-dub sa Khmer o Cambodian language) at kung saan ang pangalan ng mga bagong panganak ay Angelo at Yna (para sa mga karakter ni Jericho at Kristine sa teleserye). Dito sa Cambodia kung saan mas magaling mag-Inggles at mas edukado ang mga Pilipino dahil sinira ang lahat ng iskuwelahan at pinagpapatay ang mga literado noong panahon ni Pol Pot. Dito sa Cambodia, kung saan mga Pinoy ang mga tumutulong sa mahihirap, mga Pinoy ang nagtuturo ng kabuhayan sa mga magsasaka, at mga Pinoy ang nagpapaunlad ng kanilang turismo. Dito sa Cambodia, kung saan panaginip ng bawat estudyante na makapag-aral sa Pilipinas. Dito sa Cambodia, kung saan ang tingin sa Pilipinas ay mayaman, maunlad, mahusay, at mapayapa.
Ngunit wag kang magkamali sapagkat di ko din namang sinasabing mas magaling ang Pilipinas sa Cambodia. Napakaganda ng bansang ito at napakayaman sa kasaysayan at kultura. Sila ang nagtayo ng makapangyarihang Angkor Empire at Angkor civilization kung saan lumaganap ang kanilang arkitektura, iskultura, arts, literatura, sayaw, at iba pa noong panahon na nasa Dark Ages pa lang ang Europa (hindi pa nga nadidiskubre ni Magellan ang Pilipinas noon e). Ginawa nila ang napakagarang templong Angkor Wat na pwedeng ikumpara sa Pyramids ng Egypt. Sayang at lahat na ito ay nasira ng ilang dekadang pagdidigmaan.
Ang sinasabi ko lang na sa bansang ito, maganda, kakaiba, punong-puno ng misteryo, nakilala ko ang aking bayan. Mahusay pala tayo. Akala ko dati ay hindi. Sa dami ba naman ng reklamo ng mga Pilipino tungkol sa Pilipinas, akala ko dati, yung mga pangit lang ang meron tayo. Kailangan ko pang mangibang-bayan, sa isang bayan na mas mahirap kaysa sa Pilipinas, upang matutunan ito. Ang dapat pala, datapwat dapat nating ayusin ang ating mga kahinaan at kamalian, dapat din nating kilalanin at ipagmalaki ang ating mga kalakasan at kabutihan. Dito ko ‘yan natutunan sa Cambodia, ang makilala ang aking bayan.
—–
Visit the author’s blog.