Frederick de Dios
Hindi katulad ng mga comfort gays sa panahon ng digmaan, si Sharon ay masaya ngayon bilang karaniwang maybahay ng isang Hapon.
Una kong nakilala si Sharon mga sampung taon na ang nakaraan. Rumarampa siya noon sa isang fashion show na itinanghal ng isang Pilipinang negosyante ng damit, kasama ang dating artistang si Maria Isabel Lopez.
Natandaan ko pa ang sinabi niya, “Kahit beauty titlist, kaya kong talbugan.” Tunay ngang sa limang matatatangkad na modelo, si Sharon ang tumanggap ng pinakamalakas na palakpak.
Sa isang intermission, doon ko natiyak na ang pinagkaguluhang diyosa ng entablado ay isang lalaki pala.
Halong kuryusudad at biro, tinanong ko siya habang dumadaan siya sa aming harapan na ayaw humiwalay ang titig.
Idolo n’yo ba si Sharon Cuneta?
“Hindi no! Mas seksi ako doon. Sharon ang pangalan ko dahil kamukha ko si Sharon Stone, di ba?”
Nagpakilala ako bilang isang manunulat. Tumaas nang bahagya ang kilay niya, at ipinakilala niya naman sa akin si Junji, isang matipunong Hapon na nakasuot pang-sarariman. “Maganda ang hanapbuhay ng bf ko sa isang malaking kompanya,” pagmamalaki ni Sharon. “Ibinahay ako nito sa isang magarang apartment, kumpleto sa kasangkapan,” patuloy niya.
Napatunganga ang mga babae sa paligid, hindi makapaniwala sa kuwento n’ya. “Ang Japan ay isang paraiso para sa mga katulad namin. Sa atin, kami ang piniperahan. Sa Japan, ginagastusan kami, ibinabahay, itinuturing na higit pa sa totoong babae.”
Panahon iyon na marami sa napapabilang na talento ay mga baklang nagbibihis babae o transvestite. Dahil bihira ang nabibigyan ng talent visa sa mga katulad nila, marami sa kanila ay nagbilog pagkatapos ng anim na buwan.
Subalit si Sharon ay pumasok sa Japan bilang karaniwang lalaki, at hindi talento ngunit estudyante. Magaling siyang sumagot sa interbyu—kaya nakakalusot kahit sa Immigration sa palipaparan ng Narita.
Sa Yokohama, kung saan una siyang napadpad, pumasok siya sa omiseng pambabae. “Novelty ako roon, lalo na’t ako lang ang bakla.” Pagkatapos ng pitong buwan, kung kailan paso na ang kanyang visa, lumipat siya sa isang omiseng baklaan sa Saitama. Kasama ang mga talentong bakla, dito niya natutunang magbigay-aliw sa mga Hapon na regular na tumatangkilik sa lugar na yon. “Maraming hentai (pervert) na Hapon,” aniya.
Nang magkainitin ang Immigration sa banda roon, lumipat naman si Sharon sa mas probinsiyang lugar sa Tochigi. Dahil sa kanyang karanasan sa trabaho, naging ichi-ban o top siya sa omiseng baklaan dito. Dito siya nagtagal, at dito niya rin nakilala si Junji.
“Tunay na lalaki ‘yan. May asawa pa nga’t dalawang anak sa Chiba,” paglilinaw ni Sharon.
Tumagal nang humigit-kumulang siyam na taon si Sharon bilang bilog sa Japan. Bagama’t bihira siyang makihalubilo sa kapwa Pinoy, kilala si Sharon sa banda roon. Makalipas ang isang taon mula noong una ko siyang makilala, nabalitaan ko na lang na sumuko na siya. Ang usap-usapan ay ganap na raw siyang isang babae, at kaya siya umuwi ay upang pakasalan ang kanyang nobyo. Sinabayan pa raw siya ng kanyang bf sa Pilipinas. Dahil palasak ang hindi kumpirmadong usapan saan mang sulok sa Japan, hindi ko ito pinansin.
Tapos kamakailan lang, sa hindi sinadyang pakakataon, biglang bumalaga sa akin si Sharon sa isang restoran. Hindi siya naka-make-up at nakapormang modelo, katulad ng huli ko siyang nakausap, kaya nagulat ako sa pagbati niya.
“Kuya,” sigaw niya sabay pisil sa aking balikat. May matingkad na palatandaan sa kanyang pisngi, kaya kaagad ko rin siyang namukhaan.
Totoo palang nakabalik ka na!
Kuya, married na ako. Pero hindi kay Junji. Kay Hideo. Matagal na akong nakabalik rito sa Japan. Kaya lang mula nang nakabalik ako noong 2001, hindi na ako nag-oomise. Lalo na sa baklaan, naku, never! Baka maungkat pa ang nakaraan ko kapag nagkaroon ng raid ang Immigration.
May visa ka?
Oo naman. Nakasalang na nga ang aking permanent residency. Tinawagan ng dyowa ko lately ang Migmig, hintay-hintay lang daw nang kaunti pa.
Paano nangyari ito?
Noong huli mo akong nakausap, paglipas ng ilang buwan noon, nagkahiwalay na kami ni Junji. Panay pangako kasi siyang hihiwalayan ang asawa niya para magsama na kami, pero hindi nangyayari. Niyaya naman ako nitong si Hideo na magpakasal na. Kaya tinanggap ko na. Pero bago noon, sabi ko paano naman tayo magsasama bilang-mag-awasa e pareho tayong may —-! Kaya pinatanggal niya itong sa akin. Totoong girl na ako! Sinamahan pa nga niya ako sa Osaka. Doon lang nakakagawa ng ganoong operasyon. Ginastusan niya ako ng halos 200 lapad.
Paano kayo nakasal e pareho kayong –?
(Hindi kinikilala ng batas ng Pilipinas at Hapon ang pagpapalit ng kasarian. Hindi rin kinikilala ng batas ng parehong bansa ang pa-aasawa ng magkapareho ang kasarian.)
Noong sinamahan niya akong sumuko sa Migmig, may lumapit sa amin na Pilipina nang tapos na at palabas na kami. Akala niya girl ako. Nang sinabi ko ang totoo, pwede raw niyang subukan na gawan ng paraan… Nang nakauwi na ako sa Pilipinas, hinawakan ng ahensiya ang papeles ko para makasal at makakuha ng visa. Pero ang ginawa sa akin ay late registration ng birth. Ang totoo niyan, ako ang pinakamatanda sa tatlong magkakapatid na lalaki… May kontak daw yung Pilipina sa loob ng NSO. Ginawa niyang paanakin pa ang nanay ko ng pang-apat sa papeles lang. Ako na ‘yun. Pero girl ang sex ng pang-apat! At dahil youngest siya, mas tugma sa edad nitong si Hideo na mas bata sa akin! Kaya kahit sa papeles pa lang ay true love na true love ang dating.
Nagagawa nila ito?
Kuya naman, kapag may pera sa atin, kahit ano nakakalusot! Mura nga lang nagastos ko sa prosesong ito… 20 lapad. Halos 60% ng mga kakilala kong bading sa Yokohama at Saitama, nakasal na rin. Pero gumastos sila. Kasi ang paraan nila, bumili sila ng ibang pangalan ng totoong babae sa probinsya. Mga ahensya na rin ang naghahanap para sa kanila.
Paano noong ikaw ay ininterbyu para sa visa, hindi nahalata?
Girl na girl na ako, Kuya. Lalo na noong magsimula akong mag-take ng hormones for maintenance. Ang boses ko ay talagang sa babae. At saka di ba magaling ako sa interbyu… Feeling ko parang rumarampa rin ako sa beauty contest kapag iniinterbyu ako… Confident ako dahil kahit hubaran nila ako, talagang girl ako! May kakilala nga ako na tinanggap ang papers, samantalang hindi pa naman ‘yun operada. Ayon, ‘spouse or child of Japanese national’ na rin ang visa niya!
Sa mga katulad mong bakla, marami na rin ang nakagawa nito?
Naku, yong iba nga may mga permanent resident visa na eh. May iba nga riyan, ang lakas ng loob na lumabas pa sa mga pahayagan sa Tokyo.
Totohanan ba ang samahan n’yo ni Hideo bilang mag-asawa?
Oo naman. Love na love ako niyan. Talo ko pa nga ang mga Pilipinang totoong babae. Nagtatrabaho ako ngayon at ang suweldo ko hindi niya pinakikialaman. Maliban dito, may allowance pa ako sa kanya. Kaya hindi namin pinag-aawayan ang pera, katulad ng ibang mag-asawang Pilipina na nasisita tuwing nagpapadala ng pera sa Pilipinas… Isa pa, wala kaming anak at hindi kami magkakaanak. Alam niya ito. Kaya ang kinikita namin, para sa aming dalawa lang talaga! Kahit noong mag-boyfriend pa kami, lahat ng bonus niyan ay sa akin niya binibigay—100 lapad yon ha!
Tanggap ba ng mga pamilya n’yo ang ganitong relasyon n’yo?
Sa panig ko, noong nagkasakit ang nanay ko sa breast cancer, siya ang tumustos sa pagpapagamot. Siya rin ang gumastos sa kapatid ko nang magkaroon ito ng tumor sa utak. Sa kasamaang palad, pareho na silang yumao. Pero sa atin, kapag may pera ka, tanggap ka ng tao kahit sino o anupaman ang gagawin mo. Sa panig niya naman, pinaalis siya ng bahay nila nang malamang ikinasal siya sa akin. Dalawa ang tutol ng magulang niya sa akin–ang pagiging gaijin ko at ang pagiging bakla ko. Hindi namin ito inilihim. Hinihintay na lang namin ang pagtanggap nila. Pero mas mabuti na rin at bukod ang tirahan namin. Wala akong ibang pakikisamahan.
Kumusta naman samahan n’yo bilang mag-asawa?
Lamang pa rin ako kumpara sa totoong babae. Bukod sa prinsesa ang trato sa akin, kapag luluku-luko ‘yan, sinasapak ko. Hindi ako paaapi ha! Hindi niya ako maaaring saktan dahil kaya ko ang lakas n’ya.
Sa pagtapos ng usapan namin, pumayag si Sharon isulat ko ito. Hindi karaniwang kuwento para sa hindi karaniwang Pilipino. Akala ko’y sa panahon lang ng giyera nangyayari ang ganito, katulad ng mga naisasapelikula sa Pilipinas. Hindi ko mapigil tanungin ang sarili ko kung siya ba ay biktima, o nambibiktima? Sa buhay kung saan ang bawat panig ay may pakinabang, nararapat bang tanungin kung may biktima at nambibiktima? Hindi kaya ang landas na tinatahak ng bawat isa ay ayon lamang sa sariling kapasyahan? Kung ang bawat sulok ng mundo ay nasisinagan ng araw, marahil nga ay may nakalaang puwang para sa bawa’t isa sa mundong ibabaw.