Wikang Filipino: pumaibabaw ka!
Ngayon sa kasukdulan ng mga wika
Doon sa lahing Filipino ikaw ay punong yaman,
Kaakit-akit ang iyong itinanghal na kalayaan
habang tatak mo ang kabantugan
Sa bayan ay parangalan ngayong buwan ng wika
Sa pagkakataon lumipad ka muli!
Dahil malayang binibigkas ang iyong buhay,
Pawang mga puting ibon malaya sa kalangitan
Ang dakilang kulay na nagliparan ay lumiliwanag
Umaakit sa paningin ng karamihan sa kalupaan,
Sama-samang tumingin sa mga nakaraan.
Ipaliwanag mo ang kadiliman ng kahapon!
Tinahi ang gutay-gutay na bandila
Habang pinagbaonan ng maraming nasawing buhay
Isinisigaw ng mga bayani ang nag-iisang hantungang layon,
Ang kalayaan sa isang diwa at bansa.
Ipadama sa kanila ang iyong kahalagahan!
Sa mga lumimot ay ginawin sa hiya
Hubaran ang suot na dayuhang pananalita
Magkakaunawaan lamang si Inka at Inko
Sa maraming pagkakataong hindi nagkakasundo
kahit isang dagat at pulo ang layo
Ano pa kaya kung ikaw ay lililok!
Buhayin si Balagtas na balisa sa wika
Mamukaw sa kaibuturan ng sambayanan
At pasayahin ang mga nalulumbay na puso
Sa kaluluwang bumibigkas ng lipi noon,
ngayon at bukas.
Tumakbo ng mabilis sa bagong henerasyon!
Sasakay sa globalisasyon ang kaunlaran at katahimikan
Doon sa malayo matutunghayan
May sariling bituin at araw na kumikislap
Sa perlas ng silangan, buhay ay pumayahaw
May awit na nagmamahal, maririnig
sa lahing sanlibutan.